Top seed sa quarterfinals nakubra ng San Miguel Beermen

Mga Laro Ngayon
(Philsports Arena)
4:30 p.m. Alaska vs Mahindra
6:45 p.m. Barangay Ginebra vs Phoenix Petroleum
Team Standings: San Miguel (9-1); Barangay Ginebra (5-4); Phoenix Petroleum (5-4); TNT KaTropa (5-4); Globalport (5-4); Rain or Shine (5-4); Blackwater (5-5); Alaska (4-4); Star (4-4); Meralco (3-7); Mahindra (2-6); NLEX (2-7)

NAKUBRA ng defending champion San Miguel Beermen ang  No. 1 seed matapos talunin ang Globalport Batang Pier, 106-100, sa kanilang 2016-17 PBA Philippine Cup elimination round game Sabado sa Hoops Dome sa Lapu Lapu City, Cebu.

Gumawa si Arwind Santos ng  31 puntos at 10 rebounds para pangunahan ang Beermen, na nagwagi ng walong sunod na laro at umangat sa 9-1 kartada.

Kumana naman si June Mar Fajardo ng double-double sa itinalang 19 puntos at 15 rebounds habang si Marcio Lassiter ay nag-ambag ng 22 puntos para sa San Miguel Beer.

Kumamada si Stanley Pringle ng 21 puntos at anim na rebounds habang si Terrence Romeo ay nagdagdag ng 16 puntos at siyam na assists para sa Batang Pier.

Nahulog naman ang Globalport sa ikalawang puwesto kasama ang Barangay Ginebra Gin Kings, Phoenix Petroleum Fuel Masters, TNT KaTropa Texters at Rain or Shine Elasto Painters sa magkakaparehong 5-4 karta.

Samantala, pilit na lalampasan ng Barangay Ginebra ang matinding pagsubok sa posibleng pagkawala ng dalawa nitong importanteng manlalalaro sa pagsagupa nito ngayon sa Phoenix Petroleum sa kanilang laro ngayon sa Philsports Arena, Pasig City.

Una munang magsasagupa sa ganap na alas-4:30 ng hapon ang naghahangad makatuntong sa quarterfinals na Alaska Aces at Mahindra Floodbusters bago ang laban ng Barangay Ginebra kontra Phoenix Petroleum dakong alas-6:45 ng gabi.

Naunang nakisalo sa ikatlong puwesto ang Gin Kings matapos ipalasap ang 99-90 kabiguan sa Blackwater Elite nitong Biyernes ng gabi para pag-initin pa ang tsansang makamit ang twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals sa bitbit na 5-4 panalo-talo kartada.

Nalampasan din ng Barangay Ginebra ang pagkawala ng dalawang manlalaro sa nasabing laban para masungkit ang ikalawang sunod na panalo.

Kapwa asam ng Gin Kings at Fuel Masters na masolo ang ikalawang puwesto sa paghahangad sa ikaanim na panalo.

Gayunman, inaasahang mahihirapan ang Gin Kings sa pagsagupa nito kontra Fuel Masters dahil posibleng hindi makapaglaro ni Japeth Aguilar na napasama ang bagsak matapos magsagawa ng two-handed slam sa laban kontra Elite.

Kapit ng 6-foot-9 na si Aguilar ang kanang siko na posible nitong naitukod sa pagbagsak at agad dinala sa locker room. Bumalik ito sa second half subalit hindi na nakapaglaro at tumapos na may 14 puntos, limang rebounds at dalawang assists sa loob ng 14 minutong paglalaro.

“At the half he couldn’t grip the basketball, he couldn’t dribble it,” sab ni Barangay Ginebra head coach Tim Cone, na kinumpirma na nagkaroon ng hyperextended elbow si Aguilar.

Hindi rin nakalaro si Aljon Mariano na nagkaroon ng MCL injury sa tuhod sa laro ng Gin Kings kontra Meralco Bolts noong Enero 14.

Kasalo rin ng Barangay Ginebra at Phoenix Petroleum sa labanan sa huling pitong koponan na naghahangad makapasok sa quarterfinals ang Rain or Shine, na huling nabigo sa Meralco, 82-72, at ang nagpahingang TNT KaTropa.

Read more...