Habilin ni Donna Villa na isabog ang kanyang abo sa Santander, Cebu kinontra

donna villa and carlo j caparas

NASA Cebu City na ang mga abo ng namayapang aktres-prodyuser na si Tita Donna Villa. Bibigyan lang ng huling pagkakataon na makapagbigay-pugay sa kanya ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan at pagkatapos ay ilalagak na ang kanyang abo sa libingan ng kanyang mga magulang.

Mukhang hindi mangyayari ang habilin ni Tita Donna na ang bahagi ng kanyang abo ay isabog sa Santander, isang napakagandang lugar sa Cebu, kapag umuuwi siya sa mahal niyang probinsiya ay palagi siyang nananatili sa naturang lugar.

Kuwento ni Tita Nene Mercado, kapamilya na kung ituring nina Tita Donna at Direk Carlo J. Caparas, “Mahal ni Donna ang Santander. Palagi siyang nandu’n. Pero mukhang hindi mangyayari ang gusto niya dahil may mga kumontra. Hindi raw puwedeng paghati-hatiin ang abo.

“Sa isang lalagyan lang dapat nandu’n ang ashes, nasa urn lang, hindi puwedeng pagparte-partehan. Kahit konti lang ang kunin, hindi pala maganda ang ganu’n, kaya nag-uusap-usap sina Direk Carlo, CJ at Peach kung ano ang gagawin nila,” pahayag ng pinagkakatiwalaang kaibigan ng pamilya.

Ang kinatatayuan ngayon ng Shangri-La Mactan ay popyedad ng pamilya ni Tita Donna, ‘yun pala ang dating kinatatayuan ng Marian Hotel, isinunod sa tunay na pangalan ni Tita Donna na Marian Hazel Patalinjug.

Ngayon pa lang ay ramdam na ng industriya ng pelikula ang matinding lungkot sa pagpanaw ng masayahing prodyuser. Hahanap-hanapin si Tita Donna Villa ng napakaraming nagmamahal sa kanya.

At kung ang kanyang mga nakatrabaho ay may ganu’n nang emosyon ay paano pa ang kanyang sariling pamilya?

“Gusto kong balikan ang nakaraan. Gusto kong pagtagpi-tagpiin ang magagandang alaalang iniwan sa akin ni Donna. Pero kung paano ako magsisimula, hindi ko alam,” pahayag ni Direk Carlo J. Caparas.

Read more...