2 taon matapos ang Mamasapano, hustisya para sa SAF44 mailap pa rin

SA darating na Miyerkules, Enero 25, 2017 ay gugunitain ang ika-2 anibersaryo ng Mamasapano kung saan 44 mga miyembro ng elite force ng Special Action Force (SAF) ang napatay matapos ang operasyon sa Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.

Bagamat napatay ang target ng operasyon na si Marwan, naging laman naman ng mga balita sa buong mundo ang pagkakapaslang sa 44 miyembro ng SAF na tinawag pang #Fallen44.

Pagkatapos ng kontrobersiyal na operasyon, kaliwa’t kanan ang isinagawang imbestigasyon para matukoy ang dapat managot sa operasyon.

Malinaw sa isinagawang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP), Kamara at Senado na dalawang tao ang may direktang pananagutan sa nangyaring Mamasapano operation.

Base sa paulit-ulit na testimonya ni dating SAF chief na si Getulio Napeñas, kumukuha siya ng direktang kautusan mula sa noon ay suspindidong PNP chief na si Alan Purisima.

Idinagdag ni Napeñas may basbas ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang operasyon at inatasan niya si Purisima na pangunahan ito at itago ito sa noo’y DILG secretary na si Mar Roxas at sa noo’y PNP officer-in-charge (OIC) Leonardo Espina.

Bagamat nagsampa ng mga kasong kriminal, kabilang na ang murder laban sa 90 indibidwal, 25 mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at 12 mula sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), hindi rin kuntento ang mga biktima dahil hindi napanagot ang mga matataas na opisyal na nasa likod ng operasyon.

Nabalam din ang mamimigay ni Aquino ng medalya sa mga SAF44
dahil sa sinasabing pagnanais ng administrasyon noon na hindi maapektuhan ang isinusulong na usapang pangkapayapaan sa MILF.

Bandang huli, hindi rin naipasa ng Kongreso ang kontrobersiyal na Bangsamoro Basic Law (BBL) dahil sa batikos na inani ng pamahalaan.

Nitong nakaraang Huwebes, inihayag ni Pangulong Duterte ang nakatakda niyang pakikipagpulong sa mga biyuda ng SAF44 at mga opisyal bilang paggunita ng Mamasapano incident.

Sa kanyang talumpati, nabanggit din ni Duterte ang mga katanungan niya kaugnay ng Mamasapano dapat sagutin.

Partikular na tinanong ni Duterte ang kabiguan noon ng gobyerno na gamitin ang air assets ng AFP para mailigtas ang SAF44.

“Sa akin lang is bakit hindi ninyo tinawag ang CSAFP (Chief of Staff of AFP), ang TOG? Karaming helicopter diyan, walang gamit. Trapo nang trapo ‘yung mga sundalo araw-araw,” ayon pa sa talumpati ni Duterte sa Malacanang noong Huwebes.

Bagamat hindi tinukoy, may nais papanagutin si Duterte sa nangyaring palpak na operasyon ng Mamasapano.

At para sa naulila ng SAF44, hustisya pa rin ang kanilang isinisigaw na ibibigay kaya ng administrasyon ngayon?

Maging ang mga ipinangakong mga tulong at mga benepisyo para sa mga naulila ng SAF44 ay mga pangakong napako na rin ba?

Read more...