Nakahinga si Racela

LUMUWAG din nang kaunti ang pakiramdam ni coach Nash Racela at ng Tropang Texters matapos na maitala ang unang panalo sa taong 2017.

Nahirapan ang TNT KaTropa bago naipagpag ang umaahon na sanang Mahindra Floodbusters, 104-92, noong Miyerkules.

Biruin mong halos gumapang ang Tropang Texters sa unang tatlong quarters nang pahirapan sila ng Mahindra na naghahangad sanang maiposte ang ikatlong sunod na tagumpay matapos na simulan ang torneo sa pamamagitan ng limang sunod na kabiguan.

Baligtaran ang naging kuwento sa laro, e. Sa first half ay nag-init ang Floodbusters buhat sa three-point area. Katunayan, hanggang third period ay okay pa ang shooting ng tropa ni coach Chris Gavina.

Pero sa fourth quarter ay lumabas na ang totoong lakas ng TNT KaTropa dahil sa gumana ang kanilang depensa at pumasok ang mga outside shots. Tuloy ay nagwagi sila nang tila pulling away.

Kung natalo ang TNT KaTropa, malamang na hindi makatulog nang maayos sina Racela at mga bata niya.
Kasi, mula nang mag-umpisa ang 2017 ay masama ang itinakbo ng team.

Nagsimula ang lahat nang sila ay makaharap ng NLEX Road Warriors sa out-of-town game sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles City, Pampanga noong Enero 7.

Lubhang pinapaboran ang TNT KaTropa sa larong iyon. Pero imbes na sila ang makaarangkada at dumomina sa laro, sila ang pinaglaruan. Aba’y pinatid ng NLEX ang five-game losing skid nito at naitala ang ikalawang panalo sa torneo. At hindi lang basta-basta panalo ha. Malaki ang kalamangan nila kontra TNT KaTropa, 110-98.

Walong araw pagkatapos iyon, imbes na makabawi ang Tropang Texters ay lalo silang nadiin.
Kasi ang Star Hotshots naman  ang dumale sa kanila. Pagkaganda-ganda ng performance ng Hotshots dahil mula umpisa hanggang dulo ay nakakuha ng matinding performance si coach Chito Victolero sa kanyang mga bata.

Ang sama naman ng shooting ng Tropang Texters. Ang resulta: nanaig ang Star, 88-77.

Mula sa pagkakaroon ng two-game advantage sa ibang koponan ay nakatabla tuloy ng TNT KaTropa ang apat na iba pang koponan para sa ikalima hanggang ikasiyam na puwesto. E kung nagwakas ang elims sa puntong iyon, baka nalaglag pa ang TNT KaTropa.

Mabuti na nga lang at nagwagi sila laban sa Mahindra. Kahit paano ay umangat sila at puwede pa silang maghabol sa twice-to-beat advantage sa quarterfinals kung matatalo ang mga nauuna.

Pero realistically, ang dapat na lang habulin ng Tropang Texters ay ang ikatlo hanggang ikaanim na puwesto. Kasi sa bracket na ito ay best-of-three ang labanan sa quarterfinals. Kaysa naman sa twice-to-beat disadvantage, ‘di ba?

Nanganganay pa lang naman si Racela, e. Kapag nasanay na siya sa pagiging head coach sa PBA, malamang na maiahon niya nang tuluyan ang Tropang Texters.

Read more...