LABINGTATLO katao ang nasawi at maraming iba pa ang malubhang nasugatan nang paulanan ng bala ng mga pulis ang 20,000 magbubukid ilang metro lamang ang layo sa Malacanang noong Enero 22, 1987.
Mula sa mahigit isang linggo na piket sa harap ng tanggapan ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City, nagmartsa ang mga magsasaka at militante patungo sa Palasyo upang hilingin kay Pangulong Corazon Cojuangco-Aquino na ipatupad ang tunay at makatarungang repormang agraryo.
Imbes na makipagdayalogo si Cory sa mga mapayapang nagpoprotesta, daluyong ng bala ang isinagot ng pulis at militar sa mga ito.
Ito ang Mendiola Massacre.
Makalipas ang 30 taon, mailap pa rin ang hustisya sa mga naging biktima ng trahedya – wala ni isang naparusahan sa mga maysala.
Noong 1993 ay kinatigan ng Korte Suprema ang desisyon ng mababang korte noong 1988 na hindi maaaring asuntuhin ang pamahalaan ni Aquino dahil mayroon itong immunity.
Pero nang tinangkang buhayin ang kaso noong 2011, sa panahon ng anak ni Corazon Aquino, ay sinabi ng pamahalaan na wala itong nakikitang dahilan dahil matagal nang natapos ang isyu at bahagi na lamang ito ng kasaysayan.
Hindi rin daw maaa-ring papanagutin si Benigno “Noynoy” Aquino III sa naganap noong panahon ng kanyang ina dahil wala raw siyang kinalaman doon. Hugas-kamay rin ang Palasyo sa kawalan nang nakasuhan noon sa pagsasabing desisyon iyon ng korte at, muli, matagal na matagal nang nangyari ang insidente.
Ang tanging maibibigay ng pamahalaan ni Aquino sa mga biktima at kanilang pamilya na ang hiling lamang ay tunay na reporma sa lupa: “We are saddened by the loss of lives.”
Wala talagang maaasahang kalinga ang mga magsasaka sa mga Aquino kung maniniwala tayo sa mga reklamo ng mga sakada mula sa Mindanao na nangangamuhan sa kasalukuyan sa Hacienda Luisita, ang lupang pag-aari ng pamilya nina Cory at Noynoy.
Ayon sa ulat, tila alipin umano ang turing sa mga sakada roon na kumikita lamang ng mula P66.25 hanggang P180 kada linggo sa pagtatrabaho sa bukang-liwayway hanggang bago maggabi, nagsisiksikan sa isang bunkhouse, at pinagbabayad pa sa mga kagamitan sa bahay at trabaho. Isa umano sa mga obrero na taga-Bukidnon ang namatay sa sakit sa baga na nakuha niya sa pagtatabas ng tubo sa hacienda.
Kinasuhan na ng mga manggagawa sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang rekruter nila na Greenhand, Agrikulto Inc. at Central Azucarera de Tarlac (CAT).
Pag-aari ang Agrikulto at CAT ng pamilya Cojuangco-Aquino na pinamumunuan ni Fernando Cojuangco.
Sigurado tayo na kapag humingi tayo ng komento ukol rito mula sa dating pangulong Noynoy ay alam na natin ang isasagot niya: “Hindi ako kasali diyan” at “Ano ang kinalaman ko diyan kaya wag nyo akong sisisihin.”
Talagang napakapalad ng mga magsasaka sa pamilya Cojuangco-Aquino.
Masaker sa Mendiola matapos ang 3 dekada
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...