Mga Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Blackwater vs Alaska
6:45 p.m. TNT vs Star
Team Standings: San Miguel Beer (8-1); Rain or Shine (5-3); GlobalPort (5-3); TNT KaTropa (4-3); Alaska (4-3); Blackwater (4-4); Phoenix Petroleum (4-4); Barangay Ginebra (4-4); Star (3-4); Mahindra (2-5); NLEX (2-6); Meralco (2-7)
NASUNGKIT ng Barangay Ginebra Kings ang krusyal na ikaapat na panalo matapos igupo ang Meralco Bolts, 83-72, sa kanilang 2016-17 PBA Philippine Cup out-of-town game Sabado sa University of San Agustin gym, Iloilo City.
Nagtala si Joe Devance ng 19 puntos, si LA Tenorio ay nagdagdag ng 18 puntos at si Japeth Aguilar ay nag-ambag ng 17 puntos para sa Kings, na nagawang kumalas sa second half para mauwi ang panalo at umangat sa 4-4 kartada.
Gumawa si Reynel Hugnatan ng 18 puntos habang si Chris Newsome ay kumana ng 14 puntos at si Baser Amer ay nag-ambag ng 11 puntos para sa Bolts (2-7), na nabigong maipagpatuloy ang mahusay na paglalaro sa first half para malasap ang kanilang ikaanim na diretsong pagkatalo.
Samantala, aasinta ng silya sa playoff para sa quarterfinals ang tatlong koponan habang pilit hahabol ang isa sa matira-matibay na salpukan ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Unang magsasagupa ang tabla sa ikatlong puwestong Alaska Aces at nakahanay sa ikaanim na puwesto na Blackwater Elite sa ganap na alas-4:30 ng hapon bago sundan ng salpukan sa pagitan ng TNT KaTropa Texters at naghahabol na makaagaw ng silya na Star Hotshots dakong alas-6:45 ng gabi.
Bitbit ng Aces ang 4-3 panalo-talong kartada na tabla sa dalawang koponang nasa ikatlong puwesto habang tabla para sa ikaanim na puwesto ang Blackwater na may bitbit na 4-4 panalo-talong karta.
Pag-aagawan naman sa tampok na laro ang playoff slot sa quarterfinals sa nasa ikaapat na silya na TNT na may 4-3 panalo-talong karta at ang Star na may delikadong 3-4 record.
Nais ng Aces dugtungan ang huli nitong panalo sa Hotshots noong Miyerkules sa pagtakas ng 97-90 panalo habang pilit na babangon ang Elite mula sa kambal na kabiguan na pinakahuli noong Enero 6 kontra sa two-time defending champion San Miguel Beermen, 118-93.
Asam din bumangon ng Texters mula sa 98-110 upset kontra NLEX Road Warriors isang linggo na ang nakakalipas sa Angeles City, Pampanga habang pilit na aahon sa bingit ng pagkakatanggal ang Hotshots na tumaob sa Gin Kings, 79-86, bago nabigo sa salpukan nito kontra Aces.
Pilit na sasandigan ng Alaska sina Vic Manuel, Calvin Abueva, RJ Jazul at JVee Casio na nagtala ng 25, 23, 16 at 10 puntos ayon sa pagkakasunod nang biguin ang Star.