Karla umalma sa hulang mabubuntis ni Daniel si Kathryn ngayong 2017

karla estrada

NAG-REACT si Queen Mother Karla Estrada sa lumabas na hula kay Kathryn Bernardo na mabubuntis ang kalabtim at karelasyon ng kanyang anak na si Daniel Padilla ngayong taon. Para kay Karla, hindi fair ang hula kay Kathryn.

“Kasi dapat naiintindihan natin na may mga batang followers. Huwag nating ini-initiate na parang ginagawa na nila ‘yun, ‘di ba,” lahad ni Karla noong makausap namin sa taping ng Magandang Buhay.
Dapat daw nag-iisip muna ang mga manghuhula bago i-announce sa publiko ang mga hula nila sa mga personalidad.

“Okey ako kung ako ang hulaan na makakalimang anak pa ako. Wala naman akong pakialam. Pero kasi eto, mga teens pa sila. May mga fans sila na mga bata. So, ayoko lang na parang ganyan ang mga sinasabi dahil ayoko na itinatanim sa isip ng mga bata na, ah, okey lang ‘yan, e,” diin niya.

Hindi naman niya kinokondena ang mga manghuhula dahil karapatan nila ‘yan. Wala rin daw masama kung maniwala sa hula. Prevention din daw ‘yun ayon kay Karla.

But at the end of the day, ang Diyos pa rin ang nakakaalam. Siya pa rin ang may karapatan sa kung ano ang gusto Niyang mangyari sa buhay natin. Kung mabubuntis man daw si Kathryn ngayong taon o hindi, hindi raw niya ‘yun ibabase sa sinabi ng manghuhula. Kundi dahil, ‘yun ang kalooban ng Diyos.

Kinausap namin si Karla after ng Magandang Buhay taping nila para ikwento sa amin kung paano siya napapayag na i-dramatize ang personal life niya sa longest and most awarded drama anthology on TV, ang Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos sa ABS-CBN.

“Tinawagan ako ni Tita Cory Vidanes at siya ang nakipag-usap sa akin, at sinabi sa akin ‘yun two months ago. Nag-compromise kami. Pareho naman kaming nagkaintindihan. Sinabi ko, sige, Tita Cory gagawin ko pero wala lang ‘yung istorya ng pag-ibig ko,” kwento niya.

Walang ilalahad tungkol sa love story niya mula sa tatay ni Daniel na si Rommel Padilla hanggang sa ama ng bunso niyang si Carmella.

“Hindi sila mata-tackle, hindi sila dapat nandu’n. Mahirap. Ayokong nagpapaliwanag pa. E, siyempre naman hindi nag-iisa ‘yun (si Rommel). So, okey naman. Sana ma-enjoy nila,” aniya pa.

Ipakikita sa buhay ni Karla kung paano niya naabot ang kanyang pangarap at ‘yung faith niya na mangyayari lahat ‘yun. Kahit na nga raw para na siyang luka-luka dahil siya na lang ang naniniwala sa sarili niya.

“Ah, hindi kasi ako naghirap, huh! Hindi ako naghirap like tumira ako sa ilalim ng tulay? Nu’ng artista ako hindi naman. Nade-delay-delay ka lang sa bills,” sabi pa niya.

Tuloy-tuloy naman daw ang raket niya sa mga singing engagements at may pera naman daw ang ama ng kanyang mga anak para suportahan ang pag-aaral ng mga ito.

q q q

Maraming highlights sa buhay niya ang ipalalabas sa MMK, “Actually, maraming talaga. Hindi ko nga alam kung paano nila pagkakasyahin lahat yun, basta meron doon buong buhay ko bawat kanta ko na hindi ko naman kilala ang tatay ko inaalay ko sa kanya. Tapos noong nakausap ko siya, hindi niya alam, ang alam niya namatay ako noong ipinanganak ako. ‘Yun ang sabi ng lolo ko sa kanya.”

Noong nagkita raw sila ng Amerikano niyang ama sa US, para siyang eight-years old na sabik na sabik sa tatay. May kapatid na lalaki si Karla sa kanyang American father na kasama nito sa US ngayon.

Inaayos pa rin daw ang ilang papeles nang pag-transfer kay Karla ng mga pag-aari ng American father niya. Medyo nagkaroon daw ng delay dahil bago na ang Presidente sa Amerika ngayon.

Gagampanan ni Angelica Panganiban ang character ni Karla sa MMK ngayong gabi. Lalabas din daw si Karla sa episode na ito sa eksenang hinatid na niya si Daniel sa ABS-CBN para mag-audition.

Makakasama rin dito sina Alexa Ilacad, Sharmaine Suarez, Carlos Morales, JhaiHo, Cheska Billiones at Roy Requejo sa ilalim ng direksyon ni Efren Vibar at sa panulat nina Arah Badayos at Mae Rose Balanay.

Pahabol ni Karla sa amin, sa Sabado ay nasa Tacloban siya para sa kanyang annual feeding program.
“Sa isang barangay sa Tacloban gagawin ‘yun on Sunday. Saturday ako darating. Sa akin, akin lahat ‘yan.

Lagi ko namang ginagawa ‘yan sa Tacloban every pasok ng taon. Kasi may grupo tayo doon, ‘yung Sangkay. Sangkay is a Waray word meaning friend. Ako ang lider-lider na bibe!” natatawang sabi ni Karla.

Read more...