Angeline lumaban kay Jake sa laplapan: Masarap naman siya!

jake cuenca at angeline quinto

SA ginanap na grand presscon ng pelikulang “Foolish Love” ay pinasalamatan nang husto ni Angeline Quinto ang Regal Entertainment producers na sina Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Teo dahil sa tiwalang ibinibigay sa kanya ng mga ito bilang isang aktres.

Ilang pelikula na rin ang nagawa ni Angeline, una na nga riyan ang pagtatambal nila ni Coco Martin sa pelikulang “Born To Love You” na ipinalabas noong 2012.

Bukod kasi sa pagiging singer ay talagang pangarap din ni Angeline na umarte, sa katunayan ay target niyang magkaroon ng Best Comedy Actress award.

Last year, ginawa ni Angge ang “That Thing Called Tanga Na” na idinirek ni Joel Lamangan na siya ring direktor ng “Foolish Love” at sobrang tuwang-tuwa siya kasi nga kinagat ng tao ang pagiging komedyante niya. Kaya agad siyang binigyan ng follow-up movie ng Regal.

“Ate Reggs, hindi naman ako humihingi ng blockbuster na movie, ang lagi ko lang ipinapanalangin, sana bumalik ‘yung nagastos ng producer. Kumita po ang ‘That Thing Called Tanga ‘Na kaya siguro nasundan ng ‘Foolish Love.’

“Tinanong nga po nila ako nila (Mother Lily at Roselle) kung ano ‘yung movie na gusto ko pang gawin o dream role. Ang sabi ko, gusto ko pong makagawa ng horror, kaya tinanong nila kung bakit iyon ang gusto ko.

“Sabi ko, mahilig po kasi ako sa horror at comedy, saka kasi ang idol ko, sina Ms. Maricel Soriano at si Ms. Janice de Belen. Di ba si Ms Janice, pinaka-baby ng Regal pagdating sa mga horror movies.

“Paborito ko ‘yung Tiyanak tsaka ‘Feng Shui’ ni ate Kris (Aquino) at ‘Shake, Rattle & Roll’ lagi kong sinusundan ‘yun.

“Sa foreign po gusto ko ‘tong Annabelle 2, Conjuring, ganu’n. Pero matatakutin ako sa bahay, kapag nanood ako ng horror, hindi mo ako mapapatulog mag-isa sa bahay! Ha-hahaha!” sabi ng dalaga.

Dagdag pa ng singer-actress, “Gusto ko rin po ng action movies, sana makagawa ako ng pelikula kasama ang idol kong si Robin Padilla, tsaka sina Piolo Pascual at John Lloyd Cruz.”

Anyway, tinanong namin ang dalaga kung ano ba ang mas nakakatawa, ang “That Thing Called Tanga Na” o ang “Foolish Love.”

“Mas natatawa ako rito sa ‘Foolish Love’ kasi sa ‘That Thing Called Tanga Na’ marami kami roon, so itong sa amin ni Jake, sa amin nakasentro, kasama rin ang ToMiho (Tommy at Miho),” sabi ng dalaga.

First time raw ni Angeline na magkaroon ng torrid kissing scene pero nagpapasalamat siya kay Jake dahil inalalayan naman daw siya nito sa nasabing eksena.

Tinanong namin kung good kisser ba si Jake, “Oo naman po,” sagot kaagad ni Angge.

Paano niya nalamang good kisser kung wala pa siyang karanasan sa tunay na buhay? “Basta, ramdam ko po,” tipid na sagot nito.

Base sa trailer ng “Foolish Love” ay lumaban din sa halikan si Angeline kay Jake na ang katwiran ng dalaga, “Sabi kasi ni direk (Joel), maghalikan kami, e, di ginawa ko po!”

Bukas, abangan n’yo ang pagpapatuloy ng panayam namin kay Angeline kung saan idinetalye niya ang pagsali niya uli sa nakaraang Traslacion at kung bakit patuloy siyang namamanata sa Itim Na Nazareno.

Mapapanood na ang “Foolish Love” sa Enero 25 handog ng Regal Entertainment directed by Joel Lamangan.

Read more...