Sisihin si Pangilinan II

ANG ayaw maniwala sa patotoo ay ginagawang sinungaling ang Diyos. Alam Niya ang tunay na naganap.
Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (1 Jn 5:5-13; Slm 147; Mc 1:7-11) sa Biyernes bago mag-Epifania.

Tampok sa ilang homilia ang talamak na sinungaling na mga senador. Nabisto na ang kabulukan ng nakalipas, bakit iginigiit pa rin ang tuwid na daan, ang kasinungalingan? Sa Genesis, may nagsinungaling. Ang kanyang lipi ay sumibol hanggang sa Kongreso at Malacanang. Di nga namamatay ang demonyo.

Nabahala si Sen. Dick Gordon nang, pagkatapos paslangin ang pito katao sa Bagsak, Phase 8A, Barangay Bagong Silang, North Caloocan, apat (na naman) katao ang pinasok sa bahay at pinatay; pagitan lamang ng ilang araw at di sanlinggo. Ani Gordon, nais niyang imbestigahan motu propio ang sunud-sunod na patayan sa Bagong Silang, di pa-inut-inot, kundi maramihan, menor de edad man o mayor.

Di na nga normal ang buhay sa Bagong Silang. Ang mga putok ng baril at patayan (di saksak) ay karaniwan na, oras at dis-oras man ng araw o gabi.
Di nag-aalsa ang mga residente at mas lalong walang imik ang mga alagad ng simbahang Katolika at ibang sekta. Paano kokondenahin ang patayan ng mga salot sa lipunan? Di nga ito kinokondena ng buong bansa, taga-Bagong Silang pa?

Marahil, sariwa pa sa ala-ala ni Gordon ang kampanya sa eleksyon (panalo si Gordon sa Bagong Silang). Di naman siya nagbahay-bahay, at sumama lang sa motorcade ng talunang mga kandidato (winalis lahat ang mga kandidatong ito). Di ba napuna ni Gordon na ang convoy ng mga sasakyan ay magagara at mamahalin? Isa sa mga kandidato ay inakusahang drug lord, at pinatay.

Bakit nilaslas ang leeg ng isang babae sa Balwarte (Phase 8B), kuta ng droga? Menor ang babae. Di pinansin ng mga tanod sa Outpost sa tabi nito ang insidente. Sa kabila ng kanyang pagdo-droga (tulak-adik), di na rin siya pinapansin ng mga pulis dahil menor nga, at protektado ng batas ni Kiko Pangilinan, na kung tawagin ay batas pangitlinan.

Malupit ang tadhana, marahas ang langit sa Bagong Silang. Ayon sa Ikatlong Lihim ni Sister Lucia Dos Santos, ang pinagpakitaan ng Birhen Fatima (2017 ang Kanyang sentenaryo) noong 1917, magiging marahas ang langit sa ayaw maniwala sa Diyos, sa kabila nang sila’y binyagan sa Simbahang Katolika. Mas lalong magiging marahas ang langit sa lumalabag sa batas ng Diyos.

Mismong si St. Pope John Paul II ang nagsabi, noong 1980, na ang “divine punishments” ay di na mapipigil kahit na maiibsan ito ng pagdarasal ng rosaryo. Bukod sa parusang langit, mas natutuwa ang demonyo na makipamayan sa bawat tahanan sa Bagong Silang na iniwan na ang Diyos at tinalikdan ang banal na pangako ng binyag.

Inutusan ni Gordon ang kanyang staff na magsaliksik sa mga patayan, sunud-sunod, sa Bagong Silang. Kung interesado si Gordon sa Bagong Silang, mas interesado si Corazon Aquino, dahil ito ang kanyang unang “dinalaw” nang mangampanya sa snap election. Ang Bagong Silang ay nasa dilim ngayon. Pero, kailangan ang dilim para makita ang liwanag. Lipulin ang demonyo at walang Diyos para sumikat ang umaga.

Maaari ring isama ni Gordon ang Iloilo City, kung nababahala siya sa krimen na kinasasangkutan ng mga menor. Nagbanta ang mga pulis laban sa 55 gang/frat ng mga menor kung ang mga ito ay manggugulo sa Dinagyang. Kung itinutumba ang mga menor sa Bagong Silang, meron na ring ganyan sa Iloilo. Sinisisi rin sa Iloilo ang batas pangitlinan.

PANALANGIN: Hinihiling namin Jesus na pagkalooban mo kami ng makapagyarihang pagsasanggalang laban sa mga sinungaling at nawa’y matapos na ang kanilang pamumuksa.

MULA sa bayan (0916-5401958): Duwag ang mga mambabatas kay Aquino, hinggil sa droga. Oo nga, bayaran ang mga mambabatas. Ka Ilyong, Ilog, Hagonoy, Bulacan.

Read more...