Sylvia Sanchez, Arjo Atayde waging Best Actress at Best Actor sa ‘Gems’

SYLVIA SANCHEZ AT ARJO ATAYDE

SYLVIA SANCHEZ AT ARJO ATAYDE

PANAHON ngayon ng pagkilala sa talento ng mag-inang Sylvia Sanchez at Arjo Atayde. Kinilala na ng ibang award-giving body ang kanilang kakayahan, pero may isang entablado pa silang kailangang akyatan para tanggapin ang kanilang parangal, ang unang pagbibigay-parangal ng GEMS (The Guild Of Educators, Mentors And Students) na gaganapin sa March 1.

Tatanggapin ni Arjo Atayde ang best actor para sa napakagaling nitong pagganap sa seryeng Ang Probinsyano at si Sylvia Sanchez naman ang pararangalang best actress sa pinag-uusapan niyang pagganap sa seryeng The Greatest Love ng ABS-CBN.

Nasubaybayan namin ang seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin, saludo kami sa pag-arte na parang hindi umaarteng ipinakikita ni Arjo, napakaepektibo nito bilang nagkokontrabida sa kuwento.

Sayang, pasilip-silip lang kami sa seryeng pinagbibidahan ni Sylvia, kasabay kasi ‘yun ng aming programa sa radyo kaya puro magagandang kuwento na lang tungkol sa galing niya bilang aktres ang naririnig namin.

Sabi ng tagapamuno ng GEMS na si Norman Mauro Llaguno, “Malayo ang agwat nilang mag-ina sa mga runners-up nila. Tamang pagpili dahil magagaling naman talaga silang artista. May pinagmanahan si Arjo.”

Marami pang darating na parangal sa mag-ina, iba-ibang grupo pa ang magpapahalaga sa kanilang talento, nakikita namin kung paano nila mahalin ang kanilang trabaho kaya naman minamahal din sila pabalik ng kanilang propesyon.

Parang kailan lang ‘yun nu’ng kasa-kasama lang ni Sylvia Sanchez ang guwapo at tisoy niyang anak na si Arjo, ngayon ay kinikilala na ang husay nito sa pag-arte, hindi nga naman mamumunga ng santol ang mangga.

Read more...