Mga Laro Bukas
(Filoil Flying V Center)
8:30 a.m. EAC vs MIT (juniors)
10 a.m. EAC vs MIT (men’s)
11:30 a.m. LPU vs UPHSD (women’s)
1 p.m. LPU vs UPHSD (men’s)
2:30 p.m. LPU vs UPHSD (juniors)
INILABAS ni Grethcel Soltones ang hinahanap na MVP performance matapos nitong itulak ang San Sebastian College sa tatlong set na panalo, 25-22, 25-13, 25-13, kontra University of Perpetual Help upang tumuntong sa Final Four ng women’s division ng 92nd NCAA volleyball tournament kahapon sa San Juan Arena.
Itinala ni Soltones, na asam ang kanyang ikatlong sunod na MVP award, ang game-high 19 puntos tampok ang 18 spikes para sa Lady Stags na nakamit ang ikapitong sunod na panalo at angkinin ang unang silya sa Final Four.
Lumapit din ang San Sebastian sa posibleng pagwawalis sa daan tungo sa finals kung magagawa nitong biguin ang Lyceum of the Philippines University sa Enero 23 at ang reigning titlist College of St. Benilde sa Enero 25 na magsisilbing rematch ng nakaraang kampeonato at posibleng salpukan sa finals.
Sakaling magawa ito ng Lady Stags ay bibitbitin nito ang thrice-to-beat edge habang iiwanan ang Final Four sa mahirap na stepladder semis.
“That’s our goal, to be No. 1,” sabi lamang ni San Sebastian coach Roger Gorayeb.
Nalasap naman ng Lady Altas ang kanilang ikatlong kabiguan kontra sa katulad na bilang ng panalo. Agad itong mapapatalsik kung mabibigo muli.
Una nito ay tinalo ng Arellano University ang St. Benilde, 25-21, 25-21, 25-21, upang masolo ang No. 2 silya sa 6-1 (win-loss) record.
Pinamunuan ni skipper Rialen Sante ang koponan sa 15 puntos habang nag-ambag sina Jovielyn Prado at Ma. Erica Calixto ng 13 at 10 hits, upang tulungan ang Lady Chiefs sa kanilang ikaanim na sunod na panalo matapos na unang malasap ang kabiguan sa unang laro kontra San Sebastian sa loob ng limang set.
Nalasap ng Lady Blazers ang ikalawang kabiguan kontra anim na panalo.
Sa salpukan sa men’s division ay inungusan ng St. Benilde ang Arellano, 23-25, 25-16, 29-27, 25-20, upang makuha ang solong liderato at ang posibleng playoff para sa Final Four spot.
Nahulog ang Chiefs sa 5-2 kartada.