MADADAGDAGAN ang listahan ng mga laban ni Manny Pacquiao sa pagsagupa niya kay Australian welterweight Jeff Horn sa Abril 23.
Sinabi kahapon ng promoter na Duco Events na ang laban ng 38-anyos na si Pacquiao ay posibleng gawin sa isa sa pangunahing lungsod sa Australia, tulad ng Brisbane na hometown ni Horn, o kaya ay sa Middle East o Estados Unidos.
“The preference for all parties is for the fight to be held in Australia, and we are working towards this outcome,” sabi ni Duco director Dean Lonergan, na nakausap si Top Rank chief Bob Arum para ilatag ang laban.
Sinabi ni Arum na nais niyang ganapin ang laban sa isang outdoor stadium kung saan maihahatid ito sa 159 bansa, kabilang ang USA, at mapapanood sa prime-time Saturday night time slot sa free-to-air TV.
“I would expect 3 to 4,000 Filipinos to fly from the Philippines for this fight down under,” sabi ni Arum.
“It will be the biggest fight in Australian history but, until the money is secured, we have to keep our options open, including looking at the Middle East and USA.”
Aabot sa siyam na oras ang biyahe sa eroplano mula Maynila patungo ng Brisbane.
Naagaw ni Pacquiao ang World Boxing Organization (WBO) welterweight title sa ikatlong pagkakataon laban kay Jessie Vargas noong Nobyembre 6.
Naulat din na kumita si Pacquiao ng $100 milyon sa laban niya kay Floyd Mayweather Jr. noong Mayo 2013.
Si Horn (16-0-1) ay isang 28-anyos na dating schoolteacher na lumaban sa 2012 London Olympic Games. Siya ay No. 2 sa WBO welterweight rankings.
Si Pacquiao, na kasalukuyang nagsisilbing senador, ang WBO champion sa nasabing dibisyon at mayroon siyang 59-6-2 record.
Si Horn ay galing sa knockout panalo kay Ali Funeka ng South Africa sa Auckland, New Zealand nitong Disyembre.