SARI-SARING reaksiyon ang nabasa namin mula sa mga netizens na nakapanood sa isang episode ng It’s Showtime nitong nakaraang Martes dahil sa naging komento ni Rey Valera sa katawan ng isang Tawag Ng Tanghalan contestant.
Hindi nagustuhan ng televiewers at ilang social media users ang tila panghihiya na ginawa ng punong huradong si Rey Valera sa contestant na si Christelle Tiquis na naging contestant din noon sa The Voice of The Philippines Season 2 under coach Lea Salonga.
Nu’ng una ay pinuri ng veteran singer-composer ang TNT contestant dahil sa napakagandang rendition nito ng kantang “All My Life.”
“Kahit ako napapaganu’n du’n sa tinatamaan mong mga broken chords na mahirap. Kapag sa jazz, medyo nakakalito ‘yan, e. Pero natatamaan mo pa rin,” simulang komento ni Rey Valera.
Ang sumunod na naging pahayag ng punong hurado ay patungkol naman sa naikuwento ng contestant tungkol sa kanyang happy lovelife. Meron na raw kasi siyang boyfriend at one year na sila ngayon.
Ayon kay Rey, “Wala akong masabi sa ‘yong advice. Walang kinalaman sa pagkanta, iha, kundi sa relasyon mo lang. Nakita ko yung picture mo nung araw, sexy ka.
“Ang advice ko sa ‘yo, huwag ka magpapataba, iha. Alam mo kung bakit? Tanungin mo ako kung bakit.
Kasi kapag ganyan ka kataba, at ganyan ka kalaki, at hinahalikan ka ng dyowa mo, nagkakawanggawa lang ‘yun. Okay? Good luck!” sabi ni Rey Valera.
Agad namang nagsalita ang hosts ng show na sina Vice Ganda at Anne Curtis at kinontra ang mga sinabi ng hurado.
Chika ni Vice, “Oy, hindi. There’s nothing wrong with being fat for as long as you’re still healthy.”
Hirit naman ni Anne, “Tsaka love chooses no form.”
Dagdag ni Vice, “Mataba, may boyfriend, masaya. Yung iba, ang ganda ng katawan, pero nag-iisa. Pero eto, masaya. Aarte ka pa ba diyan?
“At saka, dyusko, kapag hinahalikan ka ng boyfriend mo, masaya siya. Kasi mataba ka, ang dami niyang puwede halikan. Nakakapagod lang, pero ang mahalaga masaya kayo sa isa’t isa. Mainggit sila sa ‘yo.”
Ilang komento mula sa netizens ang nabasa namin, at talagang na-offend sila sa mga naging pahayag ng singer-composer.
May nagsabi na napaka-insensitive ni Rey Valera na akala mo raw kung sinong perfect. Kahit maganda
raw ang intensyon nito sa pagbibigay ng payo sa contestant, maituturing pa rin itong panlalait at offensive. Isang uri rin daw ito ng bullying at ginawa pa on national TV.
May nagtanggol din naman sa singer-composer na nagsabing masyado lang balat-sibuyas ang ilang nakapanood sa nasabing episode ng Showtime. Sa katunayan, positibo pa nga para sa contestant ang payo ni Rey Valera kung lalawakan lang daw ng mga bashers ang kanilang utak.
Habang sinusulat namin ang balitang ito, wala pang inilalabas na official statement si Rey Valera o ang production ng It’s Showtime.