SIGURADONG maraming makaka-relate sa masalimuot ngunit makulay na buhay ng Queen Mother na si Karla Estrada na siyang tampok ngayong Sabado ng gabi sa Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos.
Tampok ang mga pagsubok na pinagdaanan sa buhay ni Karla, gagampanan ni Angelica Panganiban ang kanyang kwento na talaga namang kinarir ang akting sa pagbabalik niya sa MMK.
Nakasanayan ni Karla ang isang marangyang buhay hanggang sa isang araw, namatay ang kanyang lolo na siyang tumutustos sa pangangailangan ng kanyang pamilya.
Dahil sa nangyaring ito kung kaya’t napilitan sila na lisanin ang nakagisnang buhay at lumipat sa lungsod ng Tacloban.
Sa kabila ng hirap sa buhay, nanatiling determinado si Karla para maabot ang kanyang pangarap na maging isang sikat na artista balang araw. Lakas-loob siyang sumali ng singing contests subali’t hindi sang-ayon dito ang kanyang ina at pinipilit siyang huwag nang ipagpatuloy para iwasan ang kritisismo mula sa iba.
Hindi natinag si Karla at nagpatuloy sa pagkanta. Dumating ang pinakahihintay niyang pagkakataon nang madiskubre siya sa isang music hub sa Quezon City na nagbigay daan sa kanya para makapasok sa programang That’s Entertainment. Biglaang kasikatan ang natamo niya sa kanyang karera ngunit sa kasagsagan ng tagumpay, hindi inaasahang mabuntis siya sa una niyang anak.
Paano kaya hinarap ni Karla ang kanyang pagbubuntis lalo na at nasa rurok siya ng kanyang career?
Makakasama ni Angelica sa MMK episodena ito sina Alexa Ilacad, Sharmaine Suarez, Carlos Morales, JhaiHo, Cheska Billiones at Roy Requejo sa direksyon ni Efren Vibar at sa panulat nina Arah Badayos at Mae Rose Balanay. Ang MMK ay pinamumunuan ng Star Creatives COO na si Malou Santos.
Abangan ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.