PATOK na patok sa mga manonood ang panggagagaya ng pinaka-cute na Kapamilya child stars sa ilang local at international music icons dahil nanguna sa ratings sa buong bansa ang pagsisimula ng Your Face Sounds Familiar Kids.
Base sa datos ng Kantar Media, ang Your Face Kids ang nanguna sa listahan ng pinakatinutukang programa sa buong bansa noong Sabado at Linggo (Jan. 7 at 8). Nagtala ito noong Sabado ng national TV rating na 31.4%, malayo sa nakuha ng kalabang programa.
Mas marami rin ang nanonood ng Your Face Kids noong Linggo (Jan 8) sa rating nitong 33.2%, o 17 puntos na mas mataas sa katapat na programa.
Itinanghal na unang weekly winner ng edisyon ang Breakout Child Star na si Awra Briguela, na nakakuha ng 24 points dahil sa sakto at nakakabilib niyang impersonation kay Dionesia Pacquaio.
Hindi lang ang jurors na sina Sharon Cuneta, Gary Valenciano at Ogie Alcasid ang namangha sa kanyang performance dahil trending ang video nito sa online world, kung saan hanggan ngayon ay patuloy itong kinakalat at pinupuri.
Nagwagi si Awra ng P50,000, at dagdag pang P50,000 para sa napili niyang charity, ang Harvesters’ Foundation, Inc.
Sumunod naman sa ranking ang Dance Sweetheart na si AC Bonifacio bilang Britney Spears (19 points), Big Shot Belter na si Elha Nympha bilang Beyonce (18 points), at Talented Cutie na si Sam Shoaf bilang Bruno Mars (17 points).
Nakakuha naman ng tig-12 points ang Bibong Child Wonder na si Alonzo Muhlach bilang Harry Styles ng One Direction (12 points), Musikerong Charmer na si Justin Alva bilang Michael Jackson, Young Diva ng Masa na si Lyca Gairanod bilang Katy Perry, at Daytime Princess na si Xia Vigor bilang Selena Gomez.
May pagkakataon pang makabawi ang iba dahil sa show, walang elimination at patuloy lang na madaragdagan ang puntos nila kada linggo.
Abangan ang muli na namang transformation at nakakaaliw na performances sa susunod na linggo nina Awra bilang Daniel Padilla, AC bilang Sandara Park, Elha bilang Sharon Cuneta, Sam bilang Alicia Keys, Alonzo bilang Rico J. Puno, Justin bilang Adam Levine, Lyca bilang Lady Gaga, at Xia bilang Taylor Swift.
Huwag palampasin ang Your Face Sounds Familiar Kids sa ABS-CBN tuwing Sabado at Linggo ng gabi.