Unang naiulat ang insidente bilang pakana ng mga pirata, ngunit binawi ito ng mga awtoridad.
Naganap ang ang insidente malapit sa Siromon Island, bahagi ng “Eleven Islands” group ng Zamboanga, dakong alas-8, sabi ni Col. Juvymax Uy, commander ng Armed Forces Task Force Zamboanga.
Nagsasagawa ng “hulbot-hulbot” — isang uri ng pangingisda — ang crew ng F/B NR nang sila’y paputukan, aniya.
Pinaulanan ng bala ng limang lalaking lulan ng isa pang bangka ang F/B NR at napatay ang walo nitong crew member, ani Uy.
Dalawang iba pang crew member ang unang nakaligtas at nag-ulat sa mga awtoridad, sabi ni Commander Armand Balilo, tagapagsalita ng Coast Guard.
Inulat ng dalawa, na nakilala bilang sina Nomar Sandakal at Kervin Banahan, na naglundagan sila at lima pang kasamahan sa dagat para makaligtas sa pag-atake, ani Balilo.
Pinapunta ng PCG ang BRP Ilocos Norte (SARV-3503) at TB 271 Habagat para hanapin ang lima at magsagawa ng law enforcement operation sa pinangyarihan, aniya.
Di naglao’y natagpuan ng mga awtoridad ang lima, na unang naiulat na nawawala, sa Siromon Island, ani Uy.
Naganap ang insidente wala pa isang linggo matapos mapigilan ng mga tropa ng pamahalaan ang pag-atake ng mga pirata sa isang cargo vessel malapit sa katabing lalawigan ng Basilan noong Enero 3.
Mga kasapi umano ng Abu Sayyaf ang bumaril at nagtangkang mang-hijack sa M/V Ocean Kingdom, na naglalayag mula Zamboanga patungong Davao City, sa naunang insidente, ayon sa militar.
Una ring naiulat bilang “piracy” ang insidente nitong Lunes, pero sinabi ng militar na awayan ng mga pamilyang nangingisda ang sinisilip nitong motibo.
“The AFP received word that that this was a case of ‘rido’ between families in coastal fishing areas in Zamboanga City, particularly Brgys. Dita and Curuan,” ani AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla.
“Another angle [being] considered is extortion,” sabi naman ni Maj. Filemon Tan, tagapagsalita ng AFP Western Mindanao Command. (John Roson)