Nazareno nakauwi ng ligtas

nazareno

Umabot ng 22 oras bago nakauwi sa Quiapo Church ang Poon ng Itim na Nazareno.
Isa ito sa pinakamahabang paglalakbay ng poon na nagsimula sa Quirino Grandstand sa Rizal Park alas-5:30 ng umaga noong Lunes.
“As of 3:27 AM, the Andas of the Black Nazarene is already inside the Patio of the Church,” saad ng social media post ng Quiapo Church.
Noong nakaraang taon ay tumagal ng 21 oras ang paglalakbay ng Poon. Noong 2012 ay 22 oras din ang inabot ng Nuestro Padre Jesus Nazareno bago nakabalik sa kanyang dambana.
May layo lamang 5.96 kilometro ang Quirino Grandstand sa simbahan subalit dahil sa milyun-milyong dumudumog sa imahe ay naging mabagal ang pag-usad ito.
Bukod sa sumasama sa prusisyon, mayroon ding mga deboto na nag-aabang kaya lalong sumisikip ang daan ng andas.
Alas-3:10 nakarating ang sa Plaza Miranda na nasa tapat lamang ng simbahan subalit hindi ito kaagad nakapasok sa loob dahil mas marami ang nagtangka na makalapit sa andas.
Kahit na ang mga pulis na nagsilbing bakod sa daraanan ng andas ay natangay ng alon ng tao.
Ang pagsasara ng gate ng simbahan ang hudyat ng pagtatapos ng traslacion.
Umaasa si Fr. Hernando Coronel, parish priest ng Quiapo Church, na naiuwi ng mag deboto ang pagmamahal ng Diyos.
Wala namang napaulat na namatay sa traslacion bagamat libong tao ang nasugatan, nawalan ng malay, nahirapang huminga at tumaas ang presyon. Noong nakaraang taon ay dalawa ang napaulat na nasawi.
Marami ang lumahok sa taunang selebrasyon sa kabila ng ulat na posibleng targetin ng mga terorista ang pagdiriwang.

Read more...