ABAP election gaganapin

ILULUKLOK ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) ang mga pinuno nito na inaasahang magpapatingkad muli sa kampanya ng ilang beses na kinilala bilang National Sports Association of the Year sa isasagawa nitong eleksiyon.

Sinabi ni ABAP executive director Ed Picson na ang orihinal na itinakdang isagawa sana nakaraang taon na eleksiyon ay isasagawa alinman sa huling linggo ng Enero o unang linggo ng Pebrero.

“We are just looking at the exact date based on the availability of our stakeholders,” sabi ni Picson, na kasamang dumalo ang pangulo nito na si Ricky Vargas sa isinagawang dalawang araw na interaksyon na PSC-NSAs Directional Meeting sa Tagaytay Highlands sa Tagaytay City, Cavite.

Matatandaan na noong 2012 ay nausog din ang eleksiyon ng ABAP.

Una naman nagpahayag ng agad na eleksiyon sa asosasyon si Vargas upang maisagawa ang ninanais nitong pagbabago matapos mabigo ang dalawa nitong boksingero na sumabak sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.

Nagbitiw sa kanyang posisyon si Vargas bagaman nirekonsidera nito ang desisyon matapos mapagtanto ang kailangan ng asosasyon sa liderato at pamamahala.

Umaasa naman ang kasalukuyang liderato na susuportahan ng susunod na mamumuno ang nailatag na nitong plano matapos ang eleksiyon.

Ipinaliwanag ni Picson na ipagpapatuloy ng ABAP ang mga bagay na kinakailangan nitong magawa tulad sa pagtatakda ng regular nitong planning session sa mga nalalapit na sasabakang torneo.

Ipinahayag din ni Vargas ang malawakang paghahanap ng talento at pagpapalawak sa recruitment program at training upang mas umani ng tagumpay sa iba’t-ibang torneo.

Tatlong malaking torneo na lahat ay nakatakdang ganapin sa Agosto ang nasa listahan ng ABAP na kinabibilangan ng AIBA World Men’s Boxing Championships sa Germany, ang 29th Southeast Asian Games sa Malaysia at ang pagho-host ng bansa sa ASBC Asian Junior Boxing Championships.

Read more...