Shopper ipinahiya ng mga guwardiya

NABAHALA ang Malakanyang sa ulat tungkol sa pagkakakidnap ng isang South Korean businessman na si Jee Ick Joo, 53, na kinidnap ng isang miyembro ng police Anti-Illegal Drugs Group (AIDG).

May dahilan kung bakit nabahala ang Palasyo dahil kahit na naging Pangulo ng bansa si Digong Duterte, napakarami pa ring mga pulis na ginagamit ang kanilang kapangyarihan upang gumawa ng krimen.

Ang pulis-AIDG ay nakilala sa CCTV camera na isa sa mga kalalakihan na dumukot kay Jee.

Ang kotseng ginamit ng mga salarin ay nakarehistro sa pangalan ng asawa ng pulis.

Kahit na nagbayad na ang pamilya ni Jee ng ransom ay hindi pa rin siya pinakakawalan ng mga kidnappers.

Bakit walang ulat na ininiimbestiga ang nasabing pulis?

Bakit hindi siya pinangangalanan ng Camp Crame?
***
Isa pang kaso ng kidnapping kung saan sangkot din ay mga pulis ay naganap noong Agosto, 2016.

Isang Tsinoy na negosyante ang dinukot sa kanyang bodega sa Valenzuela City ng mga armadong kalalakihan na nakilalang sina SPO4 Medardo Velasco at SPO2 Luisito Hipolito ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Hanggang ngayon ay naka-pending pa rin ang kaso sa Department of Justice.
Ang kidnap victim ay nakakatanggap ng banta upang iatras ang kaso.
***
Kung marahas ang Duterte administration sa mga drug lords, pushers at dealers, dapat ay marahas din ito sa mga pulis na kriminal ang mga gawain.

Ang pinakamabuting gawin sa mga tiwaling pulis ay ituring sila na parang mga drug lords.

Kaya lang baka mangalahati ang Philippine National Police (PNP) kapag sinalvage ang mga kriminal na pulis.

***
Si Fedelina Orfinanada, 47, isang insurance agent, kasama ang kanyang anak, ay nag-rush Christmas shopping sa bagong bukas na Unitop Mall sa Calapan, Mindoro Oriental noong Dec. 24, Bisperas ng Pasko.

Habang nakatuon si Fedelina sa mga bibilhin niya, kumuha ng duster ang kanyang anak, sinabi sa kanya na isama na sa bill ito at isinabit sa kanyang balikat.

Binayaran niya sa kahera ang mga gamit na kinuha niya, pero nakalimutan niya ang duster na nakasabit sa kanyang balikat.

Palabas na si Fedelina, na gumaganap din sa TV drama, sa tindahan nang tumunog ang theft alarm.

Nang pinigil siya ng mga guwardiya, sinabi pa ni Fedelina na baka may nakalimutan siyang bayaran na item sa loob ng shopping bag na binigay ng tindahan.

Ang duster, na nakakabit pa ang anti-theft tag, ang nag-set ng alarm.

Kahit na anong ginawa niyang paliwanag na nakalimutan niyang bayaran ang duster, hinuli siya ng mga guwardiya at pinahiya sa ibang mga kapwa customers at mga shoppers ng mall.

“Kung may intensiyon akong nakawin ang duster, bakit pa isasabit ko sa aking balikat, Kuya Mon,” umiiyak na nagsumbong si Fedelina sa akin sa programang “Isumbong mo kay Tulfo” (DWIZ 882 khz am).

Pinabayad siya ng tindahan ng P750 sa duster na nagkakahalaga lamang ng P75.

Ang ginawa sana ng mga guwardiya ay inimbita si Fedelina sa opisina at doon siya pinagpaliwanag, sa halip na pinahiya sa publiko.

Hindi nakapag-enjoy si Fedelina sa kanilang Christmas party reunion ng kanyang mga kamag-anak.
***

Binigyan namin si Fedelina ng abogado upang makapagsampa siya ng damages sa korte laban sa pamunuan ng mall at ng security agency.

Tinulungan din ng “Isumbong” si Fedelina na magsampa ng kasong administratibo sa tanggapan sa Camp Crame na may hawak ng mga security agencies.

May tulog ang Command Force Security Agency, ang ahensiya ng mga guwardiyang nanghiya kay Fedelina dahil expired na ang lisensiya nito.

Read more...