Ate Guy nag-sorry sa Iglesia Ni Cristo: Humihingi na po ako ng kapatawaran!

NORA AUNOR

NORA AUNOR

NAGLABAS ng apology si Nora Aunor sa pamunuan ng Iglesia ni Cristo at sa mga ministro at kapatid ng samahan. Sa Facebook account ni Bayani San Diego ng Philippine Daily Inquirer naka-post ang paghingi ng tawad ng Superstar.

Narito ang bahagi ng pahayag ni Ate Guy: “Para kay Kapatid na Eduardo V. Manalo, Executive Minister ng Iglesia ni Cristo, at sa lahat ng mga Ministro at mga kapatid natin sa Iglesia ni Cristo.

“Humihingi po ako ng paumanhin at kapatawaran kung may nasabi po akong hindi maganda, lalo na ang pagkakabanggit ko ng ‘Iglesia ni Manalo.’

“Marami na rin po kasi akong naririnig na mga tao na ganito ang tawag nila kaya hindi ko po alam na ang pagkakabanggit ko ng ganito at sobrang ikinasasama ng loob ng nakakarami nating kapatid sa INC.

“Inuulit ko po na wala akong masamang ibig sabihin at hindi ko puwedeng saktan ang damdamin ng kahit na sinong tao, ano man ang kanilang relihiyon.

“Isa pa po, hindi ako magiging Nora Aunor kung wala po itong mga taong ito na patuloy na sumusuporta sa akin mula noon hanggang ngayon. Itong mga taong ito na may kanya-kanyang paniniwala at kaanib ng iba’t ibang relihiyon.

“Kung paano nila ako minamahal at itinataguyod bilang kanilang idolo, triple po ang respeto at pagmamahal ko sa kanila, ayoko po hanga’t maaari na makagawa n bagay na alam kong masasaktan sila.

“Siguro naman po kahit papaano ay alam at nakikita rin naman po ito ng mga taong nagmamahal sa akin na madalas kong nakakasama at nakakausap na itinuring ko na rin pong pamilya. Kaya hindi ko po iniisip na masama ang ginawa ko.

“Umaasa po ako na maiintindhan ito ng ating mga minamahal na Ministro at kapatid natin sa INC. Wala pong perkpektong tao. Lahat po ng tao ay nagkakamali. Sino man pinaniniwalaan nating lahat na naglalang sa atin ay mapapatawad.

“Ito po ang inaasahan ko sa INC: Ang mapatawad ako sa aking pagkakamali.”

Read more...