Mommy Dionisia magdadrama sa bagong pelikula, napalaban ng aktingan kay Eddie Garcia

eddie garcia at dionisia pacquiao

IN FAIRNESS, may comeback movie na pala si Dionisia Pacquiao, ha! And take note, ang award-winning veteran actor-director na si Eddie Garcia lang naman ang gaganap na asawa niya sa pagbabalik niya sa pelikula.

Huling napanood si Mommy D noong 2009 sa pelikulang “Tanging Pamilya” kung saan nakasama niya sina Mayor Erap Estrada, Ai Ai delas Alas, Sam Milby at Toni Gonzaga under Star Cinema.

At ngayon nga, muling ipakikita ng nanay ng Pambansang Kamao Manny Pacquiao ang kanyang talento sa pag-arte sa pamamagitan ng pelikulang “Tatlong Bibe” directed by the award-winning Joven Tan.

Kahapon sa presscon ng pelikula, ibinalita ni direk Joven na hindi magpapatawa si Mommy Dionisia sa “Tatlong Bibe”, “Magdadrama po rito si Mommy D, ibang-ibang Dionisia Pacquiao ang mapapanood n’yo sa pelikula namin. Nakipagsabayan po siya rito ng akting kay Mr. Eddie.”

Sa trailer ng “Tatlong Bibe”, mukhang seryoso na nga si Mommy D sa kanyang pag-aartista. May eksena kasi roon kung saan nakikipagpalitan siya ng madadramang dialogue kay Manoy.

Samantala, paliwanag ni direk Joven, isang family movie na punumpuno ng values ang kanilang pelikula na unang handog nga Regis Films & Entertainment. At tulad ng “Mang Kepweng Returns” ni Vhong Navarro, para rin sana ito sa 2016 Metro Manila Film Festival ngunit hindi nga pinalad na mapasama sa Magic 8.

Pero sabi ni direk Joven, perfect movie ito para sa lahat ng pamilyang Pinoy na gustong buhayin muli ang Filipino values sa kanilang mga puso, lalo na sa mga bata na puro internet, computer at gadgets ang inaatupag.

Kuwento ito ng tatlong bata at ng kani-kanilang pamilya pati na rin ng mga taong nakapaligid sa kanila na magpapatunay sa tunay na kahulugan ng pagmamahal. Dagdag ni direk Joven, “Ang basic plot ng pelikula ay give love not only on Christmas Day.”

Bibida rin sa “Tatlong Bibe” ang tatlong pambatong child stars ng ABS-CBN, sina Marco Masa, Raikko Matteo at Lyca Gairanod. Makakasama rin sa movie sina Rita Avila, Edgar Allan Guzman, Victor Neri, Sharlene San Pedro, Luis Alandy, Ronnie Lazaro, Anita Linda, JK Labajo with the special participation of Angel Aquino.

Siniguro naman ng direktor at producer na wala silang pinatay o sinaktang hayop sa kabuuan ng pelikula. Sa katunayan, kung ano raw ang pag-aalagang ginawa nila sa mga artista ay ganu’n din ang ibinigay nila sa mga ginamit nilang bibe at iba pang uri ng hayop sa movie.

Ito’y sa gitna na rin ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng MMFF 2016 entry na “Oro” kung saan ipinakita ang pagkatay sa isang aso na naging sanhi ng pagbawi sa nakuha nitong award.

Showing na ang “Tatlong Bibe” sa March 1 sa mga sinehan nationwide. Magkakaroon ito ng premiere night sa Feb. 13 sa Cinema 9 ng SM Megamall. Anyway, Regis Films intend to produce not only movies, but also concerts and events in the future.

Read more...