Ika-5 panalo nauwi ng Rain or Shine Elasto Painters

Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Meralco vs Mahindra
7 p.m. Star vs Alaska

NAKUBRA ng Rain or Shine Elasto Painters ang ikalimang panalo at solo second spot matapos tambakan ang Phoenix Petroleum Fuel Masters, 97-82, sa kanilang 2016-17 PBA Philippine Cup elimination round game Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Nagsanib puwersa sina Jericho Cruz at Ronnie Matias sa ikatlong yugto para tulungan ang Elasto Painters na makalayo at itayo ang 21 puntos na kalamangan, 66-45.

Subalit pinamunuan ni Matthew Wright ang ratsada ng Fuel Masters para makalapit sa siyam na puntos, 81-72, sa ikaapat na yugto bago muling uminit si Cruz na naghulog ng tatlong sunod na 3-pointers para tuluyang mauwi ng Elasto Painters ang panalo.

Pinamunuan ni Cruz ang  Rain or Shine sa ginawang 21 puntos kabilang ang 5-of-9 shooting mula sa tres. Sinamahan pa niya ito ng walong rebounds.

Si Jeff Chan ay nagdagdag ng 12 puntos at tig-3 rebounds at assists habang si James Yap ay may 10 puntos para sa Rain or Shine na umangat sa 5-2 kartada.

Pinangunahan ni Wright ang Phoenix Petroleum sa itinalang 26 puntos.

Sina JC Intal at John Wilson ay nag-ambag ng tig-10 puntos mula sa bench para sa Fuel Masters, na nahulog sa 4-4 record at nakasalo ang Blackwater Elite sa ikalimang puwesto.

Read more...