‘Ang Probinsyano’ ni Coco extended uli; iikutin ang mga probinsya sa Pinas

coco martin

SA dami ng mga magagandang konsepto at plano ni Coco Martin para sa showbiz industry pati na rin sa mga katrabaho niya, feeling namin, puwedeng-pwede na siyang maging talk show host sa husay ng pagpapaliwanag niya tungkol dito.

Hindi lang malalim na aktor si Coco, malalim din siyang tao at solido ang concern niya sa kanyang industriya. Never din siyang nagparamdam ng pagiging mataas considering his status ngayon: bilang Primetime King ng TV at box-officer star pa.

Sa rami nga raw ng mga kapwa artista niya na nang-eengganyo sa kanya na tumakbo bilang pangulo ng Actors’ Guild of the Philippines, nararamdaman niyang hilaw pa siya at kulang pa ang kanyang karanasan at mga nalalaman.

Pero pagdating sa pag-iisip ng mga proyekto para makatulong sa mga artista, lalo na sa mga hindi na masyadong aktibo sa trabaho, “Alam ko pong may magagawa tayo,” aniya nang humarap siya sa ilang miyembro ng entertainment media kamakailan para magpasalamat sa lahat ng tulong na ibinibigay sa kanya at sa mga ginagawa niyang proyekto.

Isa nga sa mga balak ni Coco this 2017 ay ang gumawa ng online series to give jobs to those actors/production people na nangangailangan ng trabaho.

“Sa ganu’n muna po siguro ako magsisimula. Alam kong may audience na ang mga ganyang proyekto at mawawala pa ang network war dahil ibang platform naman yun. Isa po iyan sa mga gustong-gusto kong gawin ngayong 2017,” sey ng Ang Probinsyano actor.

And speaking of the most awarded show, ibinalita ni Coco na mag-iikot naman sila ngayon sa iba’t ibang probinsya sa bansa to tackle social and political issues na hindi pa nila naipakikita sa number one primetime show sa TV.

Ilan daw sa mga balak nilang puntahan ay ang Cebu at Davao. Sa takbo ng kuwento ngayon ng Probinsyano, mukhang magpapalipat-lipat ng lugar si Cardo (Coco) bilang isang pugante. Ibig sabihin, matagal pa bago matapos ang FPJ’s Ang Probinsyano.

“Para rin maipakita ang magagandang lugar natin dito sa Pilipinas. Dagdag tulong na rin sa turismo, di po ba?” hirit pa ni Coco.

Read more...