Laro Ngayon
(Angeles University Foundation Gym, Angeles City)
5 p.m. NLEX vs TNT
SINIGURO ng Globalport Batang Pier na hindi na mauulit ang biglang pagdausdos sa laro matapos na daigin ang Meralco Bolts, 97-89, sa kanilang 2016-17 PBA Philippine Cup elimination round game Biyernes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagtala si Terrence Romeo ng 27 puntos, 5 rebounds at 5 assists para pangunahan ang Batang Pier, na tinapos ang kanilang two-game losing skid para umangat sa 4-3 kartada.
Si Nino Canaleta ay nag-ambag ng 13 puntos habang sina Billy Mamaril at Mike Cortez ay nagdagdag ng tig-12 puntos at si JR Quinahan ay kumana ng 11 puntos para sa Globalport.
Gumawa si Reynel Hugnatan ng 23 puntos para pamunuan ang Bolts, na nahulog sa 3-5 record matapos malasap ang ikaapat na sunod na pagkatalo.
Si Jonathan Grey ay kumamada ng 18 puntos, si Chris Newsome ay nagdagdag ng 16 puntos habang nag-ambag sina Cliff Hodge at Ed Daquioag ng tig-12 puntos para sa Meralco.
“We needed that win. We had a bad experience last game, we were ahead and weren’t able to keep our composure,” sabi ni coach Franz Pumaren, na tinutukoy ang 101-99 pagkatalo ng Globalport sa Phoenix Fuel Masters noong Disyembre 28 kung saan sinayang nila ang 26-puntos na kalamangan.
“Together, the players didn’t rush and they didn’t panic, they stuck to the game plan, played within system not like our last game. We did what we’re supposed to do.”
Nagawang itaguyod ng Globalport ang 16-puntos na bentahe, 44-28, sa ikalawang yugto bago pumutok si Grey matapos ang halftime break para makadikit ang Meralco, 72-71, sa pagtatapos ng ikatlong yugto.