Coco sisiguruhin munang maayos ang buhay ng kapamilya at mga kaanak bago pakasalan ang gf

coco martin

PURO pagtawa lang ang sagot ni Coco Martin sa tuwing kukulitin siya tungkol sa kanyang lovelife na paulit-ulit tinatanong sa tuwing magpapa-presscon siya.

Paulit-ulit din naman ang isinasagot niya kung anong dahilan kung bakit sa edad na 35 ay hindi pa rin siya nag-aasawa at wala pa ring ipinakikilalang girlfriend maski na maugong na ang balitang matagal na silang magka-relasyon ng bida sa seryeng Doble Kara na si Julia Montes.

Sa ginanap na thanksgiving presscon para sa success ng FPJ’s Ang Probinsyano at sa pelikulang “Super Parental Guardians” ay muling kinulit si Coco tungkol sa kanyang buhay pag-ibig.

“Hindi na po bago sa akin ‘yan, sabi ko nga ang aga kong nagka-girlriend, 15 years old nagkaroon na ako, nagkadapa-dapa na nga ako nu’ng nasa indie (films) ako.

“Hindi ko po sinasabing hindi ko siya (magkaroon ng girlfriend) priority, alam naman natin na kapag in love tayo, umiikot ang buong mundo natin, pero this time, mula po nu’ng nag-30 ako at ngayong 35 na ako, iba na ang priority ko.

“Sinasabi ko sa sarili ko, one day, matatapos din ang lahat ng ito (career), kaya kung anuman po ang opportunity at blessings na dumarating sa akin ngayon sa buhay ko ay gina-grab ko na at ginagawa ko po ang best ko sa lahat ng ginagawa ko, kasi alam ko kapag natapos ang araw na ito, at least nagawa ko ‘yun at wala akong pagsisihan.

“Kasi ngayon po, hindi naman pabataan ang pag-aasawa, sabi ko by 40, sigurado ako hahanapin ko na ‘yan kasi ‘yan na ang turn over ng buhay ko. Pag nag-40 na ako, diyan na ako tutungo (mag-aasawa),” paliwanag mabuti ng aktor.

Sundot na tanong kay Coco kung hindi ba siya nagiging unfair sa babaeng naghihintay sa kanya kung sinuman ‘yun?

“Hindi naman po siguro kasi ang pagmamahal naman ay hindi lang sa isang tao lang. At kung saka-sakali naman po, alam ko pagdating ng araw magiging proud siya sa akin, bakit po, kasi po pinaghahandaan ko ‘yung magiging future namin.

“Maraming nagtatanong po sa akin kung kailan ako mag-aasawa at magkakaanak kasi tumatanda na rin naman ako, ang sarap kaya na ‘yung anak mo, barkada mo lang.

“Siyempre po sa totoo lang, oo napakasarap no’n, pero kung sarili ko lang ang iisipin ko (puwede), pero ‘yung mga kapatid ko, buong pamilya ko at mga pinsan ko, ako po ‘yung inaasahan nila, kaya sabi ko nga, napakalawak po ng relo ko (panahon).

“More than ko isipin ang sarili ko, mas iniisip ko rin po ang pamilya ko at kung saka-sakali na magkaka-girlfriend ako, iyon din po ang ituturo ko sa kanya. Hindi ko siya mamadaliin, hindi ‘yung pag nag-asawa kami, e, oo lang ng oo. Ang ituturo ko sa kanya ay kung paano mabuhay, kasi may pamilya rin siya.

“Kasi alam ko kapag nagpakasal na kami, iyon ang bagong yugto ng buhay namin, dapat para sa amin na lang iyon at kung tutulong man kami, pakonti-konti na lang.

“Kaya nga po, kung ano ‘yung gagawin naming best para sa family namin, ito na ‘yung tamang oras,” mahabang paliwanag ni Coco.

Kaya alam mo na bossing Ervin kung bakit hindi ba maamin-amin ni Probinsyano kung sino talaga ang minamahal at nagpapatibok ng puso niya.

Pero may sitsit na kinikilig naman daw si Coco kay Yassi Pressman na leading lady niya sa Ang Probinsyano at nu’ng banggitin nga ang pangalan ng aktres pagkatapos ng presscon ay kitang-kitang iba ang mga ngiti niya.

“Siyempre dapat may kilig para maging makatotohanan ‘yung team namin. Saka hindi lang naman kay Yassi, sa ibang nakasama ko rin sa Ang Probinsyano tulad nina Bela (Padilla) at Maja (Salvador) na may sari-sarili na ring show ngayon,” katwiran ng aktor.

Read more...