Maaga pa ay mahaba na ang pila paakyat sa likod ng altar upang makahawak sa Poon ng Itim na Nazareno.
Bumigat ang daloy ng trapiko sa Quezon Boulevard na nasa gilid ng simbahan matapos okupahin ng mga taong nagdarasal at nakapila.
Dumating rin ang mga pulis, sundalo at mga tauhan ng city hall upang paalisin ang mga vendor subalit agad ding bumalik ang mga ito.
Nilagyan naman ng tire lock ang mga sasakyang nakaparada malapit sa simbahan dahil ipinagbabawal ang pagparada sa lugar.
Ayon kay Arnel Irasga, lider ng Hijos del Nazareno na isa sa mga tumutulong sa Traslacion, nakahanda na rin sila para sa prusisyon ng mga replica ng Itim na Nazareno ngayon araw.
Inaasahan umano nila ang pagsama ng may 300 replica sa prusisyon.
Aalis sa simbahan ang Replica Procession ng alas-2 ng hapon.
Ang vigil naman sa Quirino Grandstand ay magsisimula ng alas-5 ng hapon sa Linggo at tuloy-tuloy na ito hanggang sa umalis ang prusisyon at maibalik ang imahe sa Quiapo Church.
Alas-12 ng hatinggabi sa Lunes naman sisimulan ang eucharistic celebration na pangungunahan ni Luis Antonio Cardinal Tagle.
Sa Quiapo church ay isasagawa naman ang oras-oras na pagdaraos ng misa simula alas-3 ng umaga sa Lunes hanggang alas-10 ng gabi.
Samantala, sinabi ni Public Works and Highways Sec. Mark Villar na nagsagawa na sila ng pagsasaayos sa mga kalsadang daraanan ng prusisyon.
Ayon kay Villar ang haba ng prusisyon ay 5.96 kilometro.
Noong nakaraang taon ay umabot ng 20 oras bago nakarating ang Itim na Nazareno sa Quiapo Church. Alas-5:55 ng umaga ng Enero 9 ito umalis sa Grandstand.
Noong 2015, tumagal ng 21 oras ang prusisyon.
Quiapo church dinumog sa unang Biyernes ng 2017
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...