HANDANG harapin ng produksyon ng MMFF 2016 entry na “Oro” ang mga kasong planong isampa sa kanila dahil sa kontrobersyal na pagkatay ng aso sa pelikula.
Ayon sa producer ng “Oro” na si Shandii Bacolod, “Handa naman po kami, wala po kaming itatago. Ang nangyayari lang po ngayon sa dami ng nagsasalita, naghahalo na ang katotohanan at kasinungalingan.
“Kung kailangang ma-fine kami o mabigyan ng charges, irerespeto namin pero kailangan po dumaan sa maayos na proseso at kailangan siyang dalhin sa korte kung kinakailangan,” sey ng producer sa isang radio interview.
Humingi rin ng paumanhin ang production sa lahat ng mga nasaktan at na-offend sa nasabing eksena, “Gusto kong humingi ng tawad sa mga taong naging affected sa nangyari,” ani Shandii.
Pero muli nitong ipinagdiinan na, “Wala po sa production team at sa artista ang nanakit sa aso or pumatay. Ang ina-admit po namin sa aming statement na inilabas ay totoo po na merong buhay na nawala, meron pong aso na namatay sa pelikula pero hindi po kami ‘yung pumatay sa aso. We were filming a food fair, a cultural community na gumagawa noon.”
Inamin din nito na hindi sila aware na ilegal o bawal sa batas ang pagkatay sa aso dahil nga bahagi raw ito ng tradisyon ng mga mamamayan sa lugar kung saan sila nag-shooting.
“Dahil cultural siya at local, pina-practice po siya ng locals doon. Hindi po namin naisip na kailangan ng permit, o isa po itong illegal act dahil normal po sa kanila na kumain ng aso,” aniya pa.
Samantala, desidido ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na sampahan ng mga kaukulang kaso ang produksyon ng “Oro” kabilang na ang direktor nitong si Alvin Yapan.
Bukod sa pagpapatigil sa pagpapalabas ng “Oro” sa mga sinehan, binawi rin ng MMFF organizers ang natanggap nitong FPJ Memorial Award for Excellence.
Ang nais naman ng mga taga-PETA (People For The Ethical Treatment of Aninals) ay bawiin ang lahat ng awards na nakuha ng “Oro”, kabilang na ang best actress award ni Irma Adlawan. At dapat lang daw na maparusahan ang buong produksyon kung mapapatunayang sila nga’y nagkasala sa batas.