KUMPIRMADO! Ang pelikulang “Kabisera” ng Superstar na si Nora Aunor ang nangulelat sa walong pelikulang ipinalabas sa katatapos lang na Metro Manila Film Festival.
Kung nu’ng kasagsagan ng kanyang kasikatan ay nagsasarado ang mga sinehan dahil umaapaw sa kapunuan, baligtad na ang senaryo ngayon, may mga pagkakataong sa unang araw pa lang ng pagpapalabas ng proyekto ng Superstar ay tinatanggal na ‘yun sa mga sinehan.
Nakakalungkot isipin na pinakakulelat na nga ang kanyang pelikula ay wala pang nakuhang kahit anong rekognisyon ang “Kabisera” sa gabi ng parangal ng MMFF.
Isang malaking dagok na naman ito para sa mga tagahanga ni Nora Aunor na kasisipag sa pagmumura sa mga manunulat na hindi nila kaalyado. Kung inilalaan ba naman ng marami sa kanila ang panahon sa pagsuporta sa kanilang idolo ay hindi sana magaganap ang ganito.
Sagana sila sa kuda, pero kulang naman sa gawa, kaya palaging ganyan ang nangyayari kapag may pelikula ang kanilang idolo. Silat na silat sa takilya.
Panahon na para magising sa katotohanan ang mga tagasuporta ng Superstar na hindi nila kayang sagipin ang kanilang idolo sa indulto. Suporta ng publiko ang nagpapatatag sa karera ng isang personalidad at hindi basta ang sariling grupo niya lang.
Madali namang intindihin ‘yun.