DETERMINADO ang Philippine Volcanoes na mapanatili ang pinaghirapan nitong titulo bilang Southeast Asian Games champion noong 2015.
Kaya naman agad na itinakda ng Philippine Rugby Football Union (PRFU) ang nais maabot na pinakamataas na direksiyon para sa 2017 sa pagpaplano sa pagdepensa ng Volcanoes sa titulo nito sa 29th SEA Games at inaasam na mas mataas na medalya para sa Lady Volcanoes.
Napag-alaman kay Jake Letts, head coach ng PRFU national teams, na nakatuon ang kanilang atensiyon sa rugby sevens competition sa kada dalawang taong torneo na gaganapin sa Malaysia sa pagnanais sa Volcanoes na iuwi ang ikalawang sunod na ginto habang asam nito na ang Lady Volcanoes ay mapaganda ang nakamit na ikatlong puwesto sa huling pagsali sa Singapore.
“2017 will be another big year for Philippine rugby. We’ll have the SEA Games. We want to ensure that we go back-to-back in the men’s division and we want the women’s team to get one better,” sabi ni Letts, na isa rin sa miyembro ng Volcanoes.
Matatandaan na kasama ni Letts ang men’s team sa pagdomina sa 2015 edisyon ng SEAG sa Singapore matapos na walisin ang limang laro nito sa preliminaries bago kinumpleto ang misyon sa 24-7 na panalo kontra Malaysia sa kanilang gold medal match.
Itinala naman ng women’s team ang dalawang panalo sa apat nitong laban sa eliminasyon para masungkit ang silya sa bronze medal match bago nagawang magwagi kontra Malaysia, 22-0.
Ang nakatakdang kampanya sa SEA Games ang magpapasimula naman sa apat na taong programa ng PRFU tungo sa inaasahan nitong pagtuntong sa 2020 Tokyo Olympics.
Matapos ang Malaysia SEA Games, target ng Volcanoes na makasungkit ng medalya sa 2018 Asian Games na gaganapin sa Indonesia bago tumutok sa kanilang plano para sa 2019 SEA Games kung saan ang Pilipinas ang magsisilbing host at ang pinakahuli nitong misyon na makapag-qualify sa Tokyo Olympic Games.
“The Philippines has qualified in the Rugby Sevens World Cup before in 2013 so it’s safe to say the Philippines is a growing force in rugby in Asia. But in order to get that No. 1 spot, we have to beat teams like Japan. Japan placed fourth in the (Rio) Olympics and proved that Asian rugby is on the rise,” sabi ni Letts. “Our plans are to qualify for the Olympics in 2020. I think there will be two teams from Asia (in the Tokyo Games). Have we finished in the Top 2 (in Asia) before? We have.”