Yearend Special: #sampungtrendingsasixteen

 

ANG dami-daming nangyari.

Masasabi na naging makulay ang 2016 ng Pilipinas dahil sa iba’t ibang kontrobersya at intriga na umalingawngaw sa media at social media.

Sa kabila ng maraming mga balita, mayroong ilan na talaga namang nag-trending at tumatak sa kasaysayan.

EJK

Muli na namang sumikat ang salitang extrajudicial killings mula nang maupo si Pangulong Duterte sa Malacañang.
Itinatanggi ng gobyerno na state-sponsored ang mga patayang nangyari sa mga inaakusahang drug suspect.
Pero hirit ng mga kritiko, walang ginagawa ang mga pulis upang maaresto ang mga taong nasa likod ng pagpatay na ito.
Kalimitan ay nakasakay sa motorsiklo ang mga salarin at mayroong suot na maskara o kaya ay helmet.
May mga alegasyon na pulis rin ang nasa likod ng mga pagpatay na ito.
Tinutuligsa man, mayroon din naman na mas nais na manahimik na lamang dahil deserved raw ng mga pinapatay ang kanilang sinapit. Kumbaga
pangit mang pakinggan, mga salot ng lipunan naman ang pinapaslang.
May mga international artist na nagkansela ng kanilang konsert bilang protesta raw sa EJK.

Saging

Hindi lamang ang publiko kundi maging ang mga kongresista ay naging curious sa subuan ng nilagang saging na saba ni Sen. Leila de Lima at dati niyang driver bodyguard na si Ronnie Dayan.
Ang nagsiwalat sa subuan ng saging ay si Jeonel Sanchez, miyembro ng Philippine Security Group na iniuugnay din kay de Lima.
Si Sanchez, na tumanggap umano ng drug money para kay de Lima, din ang nagsabi na mayroon siyang napanood na sex video ni Dayan at de Lima.
Nadagdagan pa ang kuwento nang mahuli si Dayan sa Pangasinan dahil sa warrant of arrest na
ipinalabas ng House committee on justice dahil sa hindi niya pagsipot sa mga pagdinig ng Kamara.
Inamin ni Dayan ang kanilang relasyon ni de Lima.
Si de Lima ngayon ay nahaharap sa kaso dahil sa pagpayo kay Dayan na huwag pumunta sa pagdinig ng Kamara.

GMA

Hindi pa man nag-iinit si Pangulong Duterte sa Malacanang ay nakalabas na si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.
Ibinasura ng Korte Suprema ang kasong plunder laban kay Arroyo kaugnay ng iregularidad sa paggamit ng P366 milyong intelligence and confidential fund ng Philippine Charity Sweepstakes noong panahon niya sa Palasyo.
Agad na inasikaso ni Arroyo ang pagpunta sa ibang bansa upang makapagpagamot.
Ngayon si Arroyo ay nasa ikatlo at huling termino na bilang kongresista at walang nakakaalam kung ipagpapatuloy pa niya ang kanyang political career.
Mayroong mga balita na nais niyang palitan si House Speaker Pantaleon Alvarez at isulong ang Charter change na hinihi-ngi ni Duterte. Agad namang pinatay ni Arroyo
ang apoy.

Bitay

Kung ang bersyon ng Kamara de Representantes ang pagbabatayan, magkakaroon ng laya ang Malacanang kung paano nito nais ipatupad ang ibinabalik na parusang kamatayan.
Pwedeng bigti, firing squad at lethal injection ang gamitin sa mga salarin ng heinous crime.
Pumasa na sa House committee on justice ang panukala at inaasahan na sa pagbubukas muli ng sesyon ay tatalakayin na ito sa plenaryo ng Kamara.
Ipinagpaliban ang
pagratsada sa panukala na plano sanang aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa bago ang Christmas break ng Kongreso, matapos ang pagpupulong ng mga mambabatas.

Suhulan

Marami ang nagulat sa dami ng pera na isinuhol o kaya ay hiningi umano sa mga opisyal ng Bureau of Immigration sa negosyanteng si Jack Lam.
Ang sabi noong una, humingi sina Deputy Immigration Commissioners Al Argosino at Michael Robles ng P50 milyong suhol.
Pero nang lumabas ang dalawa, sinabi nila na sila ay sinuhulan ni Lam sa pamamagitan ng retired general na si Wally Sombero. Inilabas pa ng dalawa ang mga nakaplastik na P30 milyon na ibinigay umano sa kanila para palayain ang mga
illegal Chinese workers na naaresto sa on-line gambling operation ni Lam.
Si Sombero naman ay pumunta sa Office of the Ombudsman upang isuko ang P2 milyon na nakuha umano niya sa transak-syon.
Kung sino ang nagsasabi ng totoo, antayin natin ang resulta ng imbestigasyon at kung sino ang mga kakasuhan.

Eleksyon

Noong una ay hindi siniseryoso ang pagtakbo nang noon ay Davao City Mayor Rodrigo Duterte lalo at nasa laylayan pa siya ng mga survey.
Pero unti-unti siyang umangat at kinain ang kanyang mga kalaban. Sa huli sumuko ang kanyang mga kalaban at idineklara na siya ang nanalo at kapalit ni Noynoy Aquino sa Palasyo.
Walang duda ang kanyang panalo dahil sa laki ng kanyang kalamangan sa mga katunggali.
Hindi naman ganito ang kuwento sa laban ng pagkabise presidente dahil gitgitan ang naging laban nina noon ay Sen. Bongbong Marcos at noon ay Camarines Sur Rep. Leni Robredo.
Naideklara man ng Commission on Elections (Comelec) na si Robredo ang nanalo, naghain naman ng electoral protest si Marcos na nakabinbin ngayon sa Presidential Electoral Tribunal kaya masasabi na hindi pa rin tapos ang halalan.

Drug war

Gaya ng kanyang ipinangako, prayoridad ni Pangulong Duterte ang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.
Ito rin ang tinutukan ng media, at araw-araw ay may balita kaugnay ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel.
Bago pa lang umupo sa Palasyo ay pumila na ang mga adik at drug pusher sa mga presinto ng pulisya upang magpalista at ma-ngako na magbabago.
Ang mga hindi nagbago ay tinutugis ng mga pulis.
Pero meron din namang mga masked man na nakasakay sa motorsiklo na tumutugis sa kanila.
Kaya naman nabuhay ang kuwento ng DDS o Davao Death Squad na pumapatay umano sa mga kriminal sa Davao City.

Espinosa

Nasa loob na ng kulu-ngan ay nagawa pa umanong makipagbarilan ni Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte.
At ang kanyang mga nakabarilan ay ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ng Region 8.
Marami ang nagtaka dahil pumunta ang CIDG Region 8 doon upang mag-serve ng warrant of arrest ng alas-4 ng umaga sa Sub-Provincial jail at Brgy. Hipusngo, Baybay City, Leyte.
Si Espinosa ang ama ng inaakusahang drug lord na si Kerwin Espinosa na natunton at naaresto sa Abu Dhabi.
Kahit na ang boksingerong si Sarangani Rep. Manny Pacquiao ay naging curious sa kasong ito at nagsalita sa imbestigasyong isinagawa ng Senado.
Kinausap ni Pacquiao ang nakababatang Espinosa at sinabi umano sa kanya nito na nakinabang si CIDG Region 8 Director Marvin Marcos sa drug money.
Tumakbo raw ang misis ni Marcos at humingi ito ng P3 milyon kay Espinosa. Nagtawaran at ang naibigay na drug money ay P1.5 milyon.

Mocha Uson blog

Mas sumikat pa yata si Mocha Uson bilang defender ni Pangulong Duterte kaysa noong siya ay isang singer-dancer. Mas marami ang naging interesado sa kanyang mga pahayag ngayon kaysa noong showbiz lamang ang kanyang career.
Nananawagan si Mocha sa kanyang mga ka-DDS na ipagtanggol at labanan ang mga nasa likod ng paninira kay Tatay Digong.
May mga balita na gagawing social media consultant ng Bureau of Customs si Mocha. Pero matapos ulanin ng intriga ay hindi ito natuloy.
Kamakailan ay ginawa naman siyang ambassador ng Metro Manila Film Festival. Muli itong pinutakte ng kanyang mga kritiko.
At upang ipakita ang pagkadismaya sa kanya ay inilunsad ang #boycottMMFF.
Sabi naman ni Mocha, hindi naman siya ang nasasaktan sa boycott kundi ang movie industry.

Anti-US

Naging kontrobersyal hindi lamang ang mga pahayag ni Pangulong Duterte laban sa ipinagbabawal na gamot kundi maging ang kanyang pagtuligsa kay US President Barrack Obama.
Hindi pinalagpas ni Pangulong Duterte ang mga pahayag kaugnay ng EJK sa bansa at sinasagot ang US at maging ang United Nations.
Sabi ni Duterte hindi siya natatakot na hindi na tulungan ng Estados Unidos at nagsabi pa na patapos na ang pamamalagi ng mga sundalong Amerikano sa bansa.
Hirit ni Duterte makaaalpas ang Pilipinas kahit na walang tulong ng ibang bansa.
Kamakailan ay lumabas naman ang balita kaugnay ng rekomendasyon umano ni dating US Philip Goldberg kung papaano mapatatalsik si Duterte sa puwesto.
Ang inaabangan ng lahat ay kung ano ang magi-ging trato ni Duterte kay US president-elect Donald Trump na ayon sa ilan ay kapareho niya ang diskarte at posisyon sa ilang bagay.

Read more...