Yearend Special: #sampungsikatsasixteen

yearender 2016

ILANG araw na lamang ay kasaysayan na ang 2016.

Kaya naman muli ay maglalabas ang Bandera ng listahan ng mga tao na hindi maitatanggi na naging laman ng mga balita at pinag-usapan mula sosyal na bar sa BGC hanggang sa talipapa sa Navotas.

Duterte

Nagulantang ang marami nang magsimulang pumasok ang mga boto mula sa iba’t ibang probinsya noong Mayo.
Hindi pa man tapos ang opisyal na bilangan ay alam na ng marami na si Duterte ang nanalo dahil sa laki ng kanyang kalamangan kina Mar Roxas, Sen. Grace Poe, ex-Vice President Jejomar Binay.
At gaya nang sinasabi niya noong kampanya, naging prayoridad ng Pangulo ang paglaban sa ipinagbabawal na gamot na ugat umano ng maraming krimen.
Ang pagpatay naman sa mga drug suspect ang isa sa mga isyu na ipinupukol sa kanya ng kanyang mga kritiko.
Kahit na ang international community ay naging kritikal sa kampanya ng gobyerno laban sa droga at umabot sa punto na nagbanta si Duterte na kakalas sa United Nations.

Bato

Gaya ni Duterte, mistulang rock star itong si Philippine National Police chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Malaking atensyon ng media ang nakatutok at nagbantay sa kanyang Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel.
Bukod sa mga nanlaban na tumutumba sa mga operasyon ng pulisya, dumami rin ang mga napapatay ng mga hindi kilalang tao— karamihan ay mga riding-in- tandem.
At dahil may kinalaman sa droga ang mga napapatay— marami sa kanila ay sumuko sa Oplan Tokhang o pumunta sa presinto para magpalista.
May duda na ang listahan ng mga sumusuko pero hindi nagbago ang tinitira ng mga naka-bonnet o naka-helmet.
Ang hamon kay Bato, arestuhin ang mga killer na ito.
Naging kontrobersyal din si Bato nang aminin niya sa media na inilibre siya si Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa Estados Unidos para makapanood ng live sa kanyang laban. Sinisilip siya ngayon ng Ombudsman dahil sa ilalim ng batas ay bawal tumanggap ng pabor ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno dahil maaari itong makaapekto sa kanyang pagganap sa trabaho.

Pacquiao

Nitong nakaraang Pasko ay kumalat ang balita na nagpa-raffle si Pacquiao ng 10 tig-P30,000 o kabuuang P300,000.
Marami namang pera si Pacquiao kaya walang kumuwestyon kung saan niya ito ki-nuha.
Matapos magsabi na
magreretiro na siya, muling bumalik sa boxing ring si Pacquiao at noong Nobyembre ay tinalo niya si Jessie Vargas.
Bukod dito, pinatunayan din ni Pacquiao na maaaring maging senador ang isang boksingero na tulad niya.

Robredo

Itinuturing ngayong lider ng Liberal Party si Vice Presidente Leni Robredo.
Bagamat noong una ay nasa laylayan siya ng listahan ng mga kandidato sa pagkabise presidente, siya ang itinanghal na nanalo sa eleksyon noong Mayo.
Kinukuwestyon naman ng kalaban na si dating Sen. Bongbong Marcos ang resulta ng halalan dahil
natulog lamang umano siya at pag-kagising ay si Robredo na ang
nangunguna.
Dahil mayroong mga miyembro ng LP sa mayorya at sa minorya,
hindi
maikokonsiderang lider ng oposisyon si Robredo.
Noong una, siya ay itinalagang housing czar ni Duterte pero makalipas ang ilang buwan ay pi-nadalhan siya ng text message na huwag na siyang dumalo sa mga Cabinet meeting.
Ito ang naging hudyat ng pagbibitiw ni Robredo sa Gabinete.

Marcos

Nanalo ang pamilya Marcos laban sa mga petisyon na inihain sa Korte Suprema upang harangin ang paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Kung naging kontrobersyal ang desisyon ng Supreme Court, mas naging kontrobersyal ang paglilibing sa dating pangulo.
Kinondena ng mga kritiko ang paglilibing kay Marcos noong Nobyembre 18, bago pa man makapaghain ng mosyon ang mga natalo sa petisyon.
Inihalintulad pa nila ang paglilibing sa magnanakaw na sumalakay sa kalaliman ng gabi.
May mga nagtatanong, mapahuhukay pa ba si Marcos kapag iba na ang pangulo? Si Duterte kasi kampanya palang ay nagsabi na pabor itong malibing na ang dating pangulo sa LNMB.

De Lima

Hindi lamang ang umano’y pagtanggap ni Sen. Leila de Lima ng drug money mula sa mga drug lord na nakakulong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa ang pinag-usapan sa pagdinig ng Kamara de Representantes.
Marami ang naging curious sa kanyang love affair kay Ronnie Dayan, ang dati niyang driver at bodyguard, na tumagal ng ilang taon. Inamin ni de Lima ang love affair na ito.
Bukod kay Dayan ay nasama rin sa love affair ng senadora ang miyembro ng Presidential Security Group na si Jeonel Sanchez, na nagsilbi rin umanong bagman nito.
Pinagtago umano ni de Lima si Dayan kaya siya ay inireklamo ng House committee on justice sa Senado at Department of Justice.

Aguirre

Mistulang kontrabida sa buhay ni de Lima si Justice Sec. Vitaliano Aguirre.
Si Aguirre ang nagsusog ng mga imbestigasyon kay de Lima at siyang kumuha ng mga saksi at ebidensya laban sa senadora.
Kinuwestyon din ang naging hakbang ng House committee on justice na hayaan si Aguirre na siyang magtanong sa mga ipinatawag nilang saksi na nagdiin kay de Lima.
Pero ipinagpatuloy ito hanggang sa pagtatapos ng pagdinig.
Naging personalan din ang tunggalian nila ni de Lima at maging ang kanyang peluka ay nadamay.

Morales

Sino ba ang hindi masisindak kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, dating Associate Justice ng Korte Suprema?
Kinuwestyon si Morales dahil pinalulusot umano niya ang mga kakampi ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III, na siyang nagtalaga sa kanya sa puwesto.
Kaya naman umugong ang mga balita na siya ay sisibakin sa puwesto. Mayroon siyang fixed term kaya naman kailangan siyang i-impeach para mapatalsik sa puwesto.
Sagot naman ni Morales ay hindi siya natatakot sa mga gustong mag-impeach sa kanya.

GMA

Si dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na siguro ang isa sa pinakamasuwerteng tao ng taong 2016.
Pagbaba ng Aquino government na siyang nagpakulong sa kanya, pinagbigyan ng Korte Suprema ang kanyang hiling na ibasura ang kasong plunder na nakabinbin sa Sandiganbayan.
Si Arroyo ay nakulong nang halos apat na taon dahil sa kasong plunder na isinampa ng Office of the Ombudsman kaugnay ng iregularidad umano sa paggamit ng P366 milyong intelligence and confidential fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Nakalabas si Arroyo at nakadalo sa unang State of the Nation Address ni Duterte.
Ilan din sa mga miyembro ng kanyang Gabinete ay nakapasok sa Duterte government.

Mocha Uson

Maituturing na no. 1 fan ang ka-DDS na si Mocha Uson.
Ipinagtatanggol niya si Duterte at ang mga ginagawa nito at mistulan umanong attack dog sa mga kritiko ng administrasyon.Si Uson ay naging kolumnista rin ng isang pahayagan kung saan niya nailalabas ang kanyang mga saloobin bukod sa kanyang blog na sinusundan ng marami.
Siya rin ang ginawang filmfest ambassador para sa Metro Manila Film Festival.

Read more...