GAYA nang inaasahan, iniuwi ni Die Beautiful lead star Paolo Ballesteros ang “Best Actor” award sa ginawang gabi ng parangal ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2016.
Ang kanyang supporting actor na si Christian Bables naman, na gumanap na kanyang BFF sa pelikula, ay tinanghal na Best Supporting Actor.
Panalo naman si Irma Adlawan ng pelikulang Oro bilang Best Actress habang Best Supporting Actress naman si Phoebe Walker para sa movie na Seklusyon na nakapag-uwi naman ng pinakamaraming awards.
Nanalo naman ang documentary film na Sunday Beauty Queen bilang Best Picture.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang isang documentary film ang nanalo ng best Picture sa nakalipas na mahigit 40 taong pagdaraos ng festival.
Wagi naman bilang “Best Ensemble Cast” ang pelikulang Oro.
Si Rhed Bustamante naman ang binigyan ng “Special Jury Prize” para sa pagganap sa pelikulang Seklusyon.