Kapag may mall, may trapik

KAGAGALING ko lang sa Nueva Vizcaya at natural na dumaan ako sa mga probinsiya ng Bulacan, Pampanga, at Nueva Ecija.

Sa pagbagtas ko sa mga provincial highway pauwi sa probinsiya ay napansin ko na ang mga lugar na may trapik ay hindi nagbabago kahit anong bayan ang daanan ko.

Ito ay sa harap ng public market, sementeryo at munisipyo. Mataas ang vehicle at pedestrian traffic dito dahil natural na puntahan ng mga tao ang palengke, munisipyo at ang sementeryo naman tuwing Undas.

Pero nitong nakaraang ilang taon, napansin ko na may nakadagdag sa trapik sa mga provincial highways na dating maluwag at mabilis.

Tulad ng Metro Manila, ang mga dahilan ng trapik na ito ay mga naglalakihang mall sa gilid ng national highway.

Hindi naman sa ayaw ko ng mall pero sana ay mas maayos ang pagtatayo nila na isinasaalang-alang ang trapiko at convenience ng taong nagpupunta sa kanila.

Isa kasi sa wala sa mga mall na ito ay ang tinatawag na “Access and Accomodation” areas.

Ang “Access areas” ay yung mga lugar at kalye na papasok sa kabilang establishment na hindi sagabal sa natural flow ng trapiko. Madalas ito ay mga access roads na lalabas ng highway para pumasok sa mall area.

Ang “Accomodation areas” ay mga parking at loading/unloading bays na hindi nakakaabala sa daloy ng trapiko. Madalas ay hiwalay na gusali ito na nakadikit sa mall para na rin konbinyente sa mga kostumer.

Kung susuriin natin ang Metro Manila, makikita natin na walang ganito ang mga mall sa EDSA. Walang lagakan ng bus na lumalabas ng highway para hindi istorbo sa daloy ng trapik. Lagi pang nakaharap sa highway ang labasan at pasukan ng mga tao kaya nakagugulo sa daan.

At dahil ito ang disenyo sa Metro Manila, ginagaya na lang ito sa mga lalawigan, na siyang dahilan kaya gumugulo ang daloy ng trapiko.

Sana ay magkanoon ng design law na naglalatag na kailangang magtayo ng “Access and Accomodation” areas ang lahat ng mall upang hindi sila sagabal sa convenience ng tao at motorists.

Auto Trivia: Ang Hummer ay brand ng trucks at SUVs na unang ibinenta noong 1992 nang ang AM General ay nagsimulang magbenta ng civilian version ng M998 Humvee. Noong 1998, binili ng General Motors ang brand name at sila ay gumawa ng tatlong version nito, ang original Hummer H1, base sa military Humvee, at ang H2 at H3 models. Huminto ang GM gumawa ng Hummer noong May 24, 2010 dahil sa bankruptcy.

Para sa komento o tanong, maaaring mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com

Read more...