Pag-asa sa bawat pagsikat ng araw

KAPAG nagpapaalam na ang taong kasalukuyan at papasok na sa panibago namang taon, normal lamang na positibo ang pagtingin ng sangkatauhan hinggil dito, kahit ano pang lahi.

Napakataas at napakarami ng mga inaasahan. Iyong mga hindi nangyari nang nakalipas na taon, umaasa silang magagawa at maaabot pa rin nila sa pagpasok ng susunod na bagong 365 araw.

Ganyan din ang paniwala ng ating mga OFW. Iyong mga hindi nagtagumpay sa kanilang pag-aaplay pa lamang upang makapag-abroad, muling susubok at umaasang baka makaalis na sa bagong taong papasok.

Sila naman na hindi naging maganda ang naging trabaho sa abroad at maging ang pakikitungo sa kanila ng kanilang mga employer o kasamahan sa trabaho, umaasa namang bubuti ang kanilang sitwasyon sa darating na bagong taon.

Sila namang mga OFWs na papauwi at dati-rati’y may mga pangamba at takot sa kanilang pagbabalik, ngayon mas positibo sila at umaasang magiging maayos din ang lahat dahil na rin sa suporta ng kanilang kapamilya at mga mahal sa buhay.

Sa kabila ng lahat ng ito, sa kabila ng hirap at napakaraming hamon sa buhay, palaging may pag-asa ang tao upang patuloy na mangarap, lumaban at manatiling buhay.

Iyan din naman ang napakabuting katangian ng isang Pinoy. Palaban ‘ika nga. Lahat kakayanin! Todo pasa’ palagi at may kaisipan pang “bahala na” dahil “may bukas pa!”.

Bihira sa ating mga kababayan ang sumusuko at kinikitil ang sariling buhay kung ikukumpara sa ibang mga bansa na napakataas ng bilang ng mga nagsu-suicide lalo na kapag panahon ng taglamig.

Mas madalas ‘anya ito sa matatandang dumaranas ng “depression” lalo pa sa mga panahon ng winter at nag-yeyelo ang kapaligiran. Malungkot na puro puti na lamang ang kanilang nakikita sa kanilang mga bintana, wala man lang buhay na halaman o ibang kulay tulad ng berde.

Iyan din ang dapat na ipagpasalamat ng mga Pinoy. Wala tayong winter at mainit na bansa ang Pilipinas. Nasisikatan tayo ng araw hindi katulad sa mga bansang hindi na halos makita ang pagsikat ng araw.

Kaya lang ang nakalulungkot, hindi natin mapahalagahan ang mga bagay na mayroon tayo. Patuloy nating hinahanap at hinahangad ang mga bagay na wala tayo.

Tulad na lamang ng sikat ng araw, ikanaiinis pa nga ito ng ilan. Masakit ‘anya ang araw sa balat, nakakasunog, nakaka-itim at kung ano-ano pang reklamo.

Kaya gustong-gustong mag-abroad dahil gustong matikman ang panahon ng winter. Gustong maglaro sa snow. Kung magpapa-litrato lang naman at nadudulas-dulas paminsan-minsan sa yelo, okay lang naman yun. Hindi masyadong iindahin natin iyan.

Pero ibang usapan na kung ito’y magiging bahagi na ng buhay ng tao. Patuloy sana tayong maging mapagpasalamat. Una, sa ating Dakilang Manlilikha sa regalong buhay sa atin sa araw-araw. At pangalawa, sa kaniyang mga gawa, tulad ng “araw” na siyang sumisimbolo sa ating pag-asa.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...