(Movie Review) SEKLUSYON: Psychological horror, di gaya ng Shake, Rattle & Roll

HINDI puwedeng mawala ang mga horror films, tulad ng walang kamatayang Shake, Rattle & Roll, sa MMFF.
At kahit binago na ang pagpili sa mga pelikula na kasali ang pestibal ay may mapapanood pa rin ang mga ang mga mahilig sa katatakutan— ang “Seklusyon” ni direktor Erik Matti.
Pero hindi ito ordinaryong horror film na tatakutin ka sa iyong nakikita. Dito ay matatakot ka sa iyong naiisip at nagugunita.
Malaking pagbabago ito sa kamalayan at kaisipan ng bawat manonood. Ang kamalayang pupukaw sa bawat isa sa atin na ang pelikulang Pilipino ay maaaring sumalamin sa ating nakaraan, ating kasalukuyan at ating hinaharap.
Kailangang manatili ng diakonong (deacon) si Miguel (Ronnie Alonte) sa isang lumang bahay sa loob ng pitong araw bago siya ordinahin bilang ganap na pari.
Kasama niya rito ang tatlo pang diakono na pawang may mga nakaraang nais nilang takasan, katulad ni Miguel.
Dito masusubok ang kanilang pananampalataya sa tunay na Diyos.
Nakakapanindig-balahibo ang mga susunod na kaganapan lalo na sa pagdating ng tinatawag na sugo ng Diyos na si Anghela (Rhed Bustamante) na sa murang edad ay ginamit upang madaling makahikayat ng mananampalataya at alagad sa pamamagitan ng kanyang kakayahang manggamot at magpagaling ng mga may karamdaman.
Misteryosa rin ang papel ni Madre Cecilia (Phoebe Walker) na nagsisilbing tagapangalaga ng batang “healer.”
Kung ang pelikulang ito ay isang nobela na iyong binabasa, siguradong hindi mo nanaisin na tumigil sa pagbabasa dahil nais mo agad na malaman kung ano ang magaganap sa susunod na eksena.
Pinag-iisip ng pelikula ang mga manonood ito sa kahulugan ng bawat eksena. Punumpuno ito ng simbolismo at hindi isinusubo sa mga viewers ang mga obyus at inaasahan bagkus ay binibigyan sila ng kalayaan para makapag-isip at magbuo ng kani-kanilang opinyon patungkol sa pelikula.
At kapag natapos mo na itong panoorin ay lalo ka pang mag-iisip kung ano talaga ang ibig sabihin o kung may may mas malalim pang nais na iparating sa iyo ng kuwento.
Kaya hindi kataka-taka kung dalawa o tatlong ulit mo itong papanoorin para lalo mong maintindihan at maunawaan ang kuwento.
Ang pelikulang Seklusyon ay nakapag-iwan ng mensahe na ang puwersa ng kadiliman ay posibleng makapasok sa loob ng simbahan at hindi lahat ng propeta ay puwede nating tawaging Alagad ng Diyos.
Kung ikaw ay manonood pa lamang ng Seklusyon, baunin mo ang mga salitang ito: KONSENSIYA, PANANAMPALATAYA at PURGATORYO.

Read more...