‘Parang episode lang ng Ipaglaban Mo at SOCO ang film’
SI Mercy de Dios (Nora Aunor) ay larawang ng isang kuntentong maybahay sa piling ng kanyang asawang si Tunying (Ricky Davao) at kanilang limang anak. Ngunit nag-iba ang takbo ng kanilang buhay nang magkaroon ng sunud-sunod na pagtatangka sa buhay ni Tunying at hanggang tuluyan itong patayin ng mga armadong kalalakihang pumasok sa kanilang tahanan.
Sinasabi ng mga pulis na si Tunying at isa sa kanilang anak na si Andy (JC de Vera) ay kasamang nanloob ng bangko.
Upang maiwasan ang tuluyang pagkawasak ng kanilang pamilya, kailangan ni Mercy na maging matatag at matapang. Nang sumapit ang Noche Buena, umupo na si Mercy sa kabisera. Pagapakita ng pagyakap niya sa kanyang bagong tungkulin bilang haligi ng kanilang pamilya.
Ayon sa pelikula, ang istorya ng Kabisera ay hango sa tunay na pangyayari.
Mahusay naman ang pagkaganap nina Nora Aunor at Ricky Davao sa pelikula, pero ang pakiramdam ko habang pinanood ko ang Kabisera ay para lang akong nanonood ng mga episode ng “Ipaglaban Mo” at “SOCO.”
Kung fan kayo ni Ate Guy at naiintriga kayo sa tema ng pelikula, agad-agad ninyong panoorin ang Kabisera baka bigla na lang itong maglaho sa mga sinehan.