‘Kung inaakala ninyo na heavy drama ang docu-film na ito na puno ng hugot at reklamo, nagkakamali kayo!’
SIMPLENG kuwento, walang kilalang mga artista, walang special effects, ngunit punumpuno ng puso ang bawat eksena sa pelikulang “Sunday Beauty Queen,” isa sa official entry sa 2016 Metro Manila Film Festival.
Ito ay mula sa produksyon ng Voyage Studios at TBA, ang produksyon na nagbigay din ng box-office hit sa period movie na “Heneral Luna”.
Kung ikaw ay isang OFW o anak o kapamilya o kaibigan ng mga overseas Filipino worker siguradong makaka-relate ka sa kuwento ng kauna-unahang documentary film na nakapasok sa taunang filmfest.
Ito ay tungkol sa mga OFWs na nagpapakahirap at nagpapakabayani sa bansang Hong Kong para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya. Ang ilan pa nga sa kanila ay college graduate ngunit mas piniling maging domestic helper sa HK dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas.
Ngunit kung inaakala ninyo na heavy drama ang docu-film na ito na puno ng hugot at reklamo, nagkakamali kayo. Feel good din ang “SBQ” dahil ang focus nga ng kuwento ay ang pasabog na annual Miss Philippines Tourism Hong Kong na isang charity beauty contest kung saan naglalaban-laban ang mga magaganda at talentadong OFWs para sa tropeo at korona.
Ang kinikita sa nasabing beauty contest ay napupunta sa isang charity shelter doon na siyang tumutulong sa mga problemadong Pinoy DH, kabilang na ang mga minamaltrato ng kanilang mga amo.
Inakala kong may “antok” at “boring” factor ang pelikula dahil isa nga itong dokumentaryo tungkol sa limang OFWs na nagmula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas, pero in fairness, hindi kami nakatulog habang nanonood.
Salamat sa maayos at malinaw (at nakatatawang) pagkakalahad ng istorya, pati na rin sa makatotohanang pagbabahagi ng ilang Pinay HK “beauty queens” ng masalimuot ngunit makukulay nilang buhay bilang DH.
Isa sa mga highlights ng docu ay ang nakaka-good vibes na question- and-answer portion ng beauty pageant. Hagalpakan at palakpakan talaga ang audience habang sinasagot ng mga kandidata ang mga pang-Miss Universe na tanong sa kanila.
Nakaka-touch din ang eksena kung saan buong-ningning na ipinahayag ng employer na mahal na mahal nila ang kanilang Pinay helper at ayaw na nilang mawala ito sa kanila, dahil itinuring na nga nila itong pamilya.
Naiyak din kami sa isang simpleng eksena ng isa sa mga OFW nang mamatay ang kanyang amo na matagal na rin niyang inaalagaan.
Sa bandang ending ng docu ay meron ding patama ang ilang kababayan natin sa Hong Kong tungkol laban sa pamahalaan, lalo na ang tungkol sa kung anu-anong “fee” diumano na sinisingil sa kanila sa tuwing umuuwi sila sa Pilipinas.
Hiling nila sa sana’y aksyunan ng Duterte government ang mga problemang kinakaharap nila sa ibang bansa para mas maging maayos at makabuluhan ang pagsasakripisyo nila roon.
Kung mahilig kayong manood ng I-Witness, Reporter’s Notebook at iba pang documentaryo sa telebisyon, siguradong magugustuhan ninyo ang “Sunday Beauty Queen” na idinirek ni Babyruth Villarama. Isang domestic helper din ang nanay ni direk Babyruth kaya sa ending ng movie, inialay niya ang kabuuan ng kanyang obra sa kanyang ina.
Follow us on Twitter @banderainquirer
Like us on Facebook: Inquirer Bandera