NAKALULUNGKOT para sa mga tagasuporta ni Nora Aunor ang nagaganap ngayon sa MMFF. Sa walong pelikulang naglalaban-laban ay pangalawa sa pinakaibaba ang pelikula ng Superstar.
Sa unang araw ng pagpapalabas ng “Kabisera” ay naka-450 thousand lang ang proyekto, kung wala pa ang dokumentaryo tungkol sa mga kababayan nating OFW ay siguradong ang pelikula ni Nora Aunor ang nangungulelat, nakakalungkot na senaryo.
Dahil du’n ay maiisip mo, nasaan na ang mga tagahanga ng aktres na napakaingay sa social media at napakaaktibo sa pang-aaway sa mga reporters, bakit pinababayaan nilang mangulelat ang proyekto ng mahal nilang idolo?
Bakit hindi sila ngayon mag-ingay, bakit hindi sila magpakaaktibo ngayon sa paglabas sa kani-kanilang bahay para matulungang makaangat ang pelikula ni Nora, ngayon sila kailangang-kailangan ng kanilang Superstar.
Sabi nila’y hindi nila pababayaan ang kanilang idolo, nangako silang susuportahan si Nora Aunor, anong pagsuporta kaya ang ginagawa nila ngayon?
Aba naman, ito ang tamang panahon para maipakita nila na hindi pa dapat malagay sa limot ang kanilang idolo, ipaglaban nila ang kanilang Superstar, lumabas sila, gumastos para suportahan ang pelikula ng kanilang Ate Guy!
Tama na ang pang-aaway sa social media, pagkilos ang kailangan nilang gawin ngayon, agad-agad!