PATAY ang isang babaeng pasahero, samantalang walong iba pa ang nawawala matapos lumubog ang isang cargo-passenger ship sa karagatan ng Batangas, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) at lokal na pulis.
Kinilala ni Batangas police director Sr. Supt. Leopoldo Cabanag ang biktima na si Lyca Banaynal.
Isa si Banaynal sa mga pasahero ng MV Starlite Atlantic na lumubog sa karagatan ng Barangay Corona sa Tingloy, Batangas bago magtanghali kahapon.
Sinabi ng mga pulis na 14 na katao ang nailigtas, kabilang na ang kapitan na si Eric Cuevas. Nailigtas din sina Ricky Lallen, Airon Barrera, Rommel Olaco, Ronvic Ricohermoso, Jose June Bernabe, Jill Violyn Gonzalez, Russel Andal, Nestor Santiago, Bobet Rabasto, Jonathan Garcia, Mark Angelo Estenote, James Bernard Padilla, at Marjun Badonaza.
Itinigil naman ng Coast Guard ang search and rescue operations na magpapatuloy ngayong umaga.