KASALUKUYANG nasa London na ang pamilya Atayde at noong araw ng Pasko sila lumipad at aabutin na sila roon ng Bagong Taon.
Parehong humingi ng bakasyon sina Sylvia Sanchez at Arjo Atayde para makasama ang pamilya dahil nga isang buong taon din silang bihirang mag-bonding.
Napak-ap lang si Ibyang noong mismong kaarawan ng anak niyang si Xavi, Dis. 22, “Umaga na ako na-pack up, birthday ni Xavi, sinundo ko lang siya sa bahay tapos dumiretso na kami ng party niya sa Resorts World kasi nandoon na ang mga bisita.
“Kahit sobrang pagod ako, Reggs, kailangan kong gawin lahat, nanay ako, eh, obligasyon ko pa rin iyon,” kuwento ng aktres.
Pagkagising kinabukasan ay tumakbo ng mall si Ibyang para mamili ng isusuot nilang mag-anak na pang-ginaw patungong London.
Disyembre 24 ay maghapon naman siyang nagluto para sa Noche Buena nilang mag-anak at personal na kaibigan at sabay empake na rin dahil maaga nga ang flight nila kinabukasan.
Samantala, maganda pa rin ang feedback para sa The Greatest Love kaya naman tuwang-tuwa si Mamang Gloria (Ibyang), “Sa sobrang pagod ko kailan lang, pinauulit ko kay direk (Jeffrey Jeturian) ang mga eksena ko kasi pakiramdam ko, drain na drain na ako, hindi na ako makaarte lalo na sa iyakan.
“Parang wala na akong ilalabas na luha, kita mo naman puro iyakan ang mga eksena ni Mama Gloria. Sa awa ng Diyos, meron pa pala,” say ng aktres.
At ang balita namin ay baka aabutin pa raw hanggang Mayo, 2017 ang The Greatest Love.