PH netters hahataw sa SEA Games

OPTIMISTIKO ang Philippine Lawn Tennis Association (Philta) na malampasan ang huli nitong iniuwing kabuuang walong medalya noong 28th Singapore Southeast Asian Games sa pagsusumite sa listahan ng pambansang delegasyon ang mga pangalan ng mga nagkampanya sa Davis Cup at Fed Cup.

Ito ang sinabi ni Philta president Salvador ‘Buddy’ Andrada matapos ang huling torneo ng asosasyon para sa taon na National Age Group Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.

“We aim to have more gold medals next year,” sabi ni Andrada, na asam mapaangat pa ang naiuwi ng bansa na isang ginto, tatlong pilak at apat na tanso para sa kabuuang walong medalya kontra sa nagkampeon na Thailand na sumungkit ng anim na ginto, dalawang pilak at tatlong tanso para sa 11 medalya.

“Our players are continually competing and are very busy campaigning abroad. Some of them had even made it to the finals of the ITF Futures and other invitationals so we expect we will have a good chance of winning more medals come the games in Kuala Lumpur,” sabi pa ni Andrada.

Matatandaang nakapag-uwi ng isang gintong medalya ang Pilipinas sa mixed doubles mula kina Denise Dy at Treat Huey habang mayroon din itong tatlong pilak at apat na tanso.

Nakapilak ang Pilipinas sa men’s doubles mula kina Ruben Gonzales at Jeson Patrombon habang nakatanso ang pares nina Francis Alcantara at Huey. Nakatanso rin sa men’s singles si Patrombon at ang men’s team na binubuo nina Alcantara, Gonzales, Huey at Patrombon.

Nakapilak ang bansa sa tambalan nina Dy at Katharina Lehnert sa women’s doubles at team kasama sina Dy, Khim Iglupas, Lehnert at Anna Clarice Patrimonio habang may isa itong tanso mula rin kay Lehnert sa women’s singles.

Read more...