Centralized bus deployment sa MM ang kailangan

AMININ man nila o hindi, ang bus ang pinakamalaking sagabal sa mabilis na daloy ng trapiko sa EDSA.

Sa dami, kulit, at laki ng mga ito, sila talaga ang sasabihin nating nagpapabara ng trapiko.

Sa ngayon, ayon sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), merong 5,000 bus franchises na bumabaybay araw-araw sa EDSA.

Walang kontrol ang mga ito at walang logic sa kanilang mga ruta. Lalabas lahat sila nang sabay-sabay at babaybayin ang kahabaan ng EDSA nang walang pakundangan kung kailangan nga ba sila o hindi.

Dahil naghahabol ng kita, kaskasero ang mga driver nito kung magmaneho; kinakarera ang kapwa bus para makauna sa mga pasahero. Nariyang gigitgitin ang lahat para makamit ito.

Mas mahaba pa ang oras na sandamakmak sila sa kalye, pero walang laman. Sa oras de peligro naman ay naiipit sila sa trapik na gawa nila kaya nag-iipon sa kalye ang pasaherong dapat ay isinasakay nila.

Kailangan sa mga bus na ito ang centralized dispatching o yung tamang pagpapalabas ng bus sa mga lugar na kailangan sila imbes na bara-bara silang nakakalat sa EDSA.

Ito ang paraan kung saan minomonitor ng Traffic Engineering Center ang sitwasyon ng pasahero sa lansangan at nagpapadala ng bus doon sa lugar na maraming pasahero.

Isa o dalawa o lima o 10 bus ang agad na papupuntahin sa lugar na naiipon na ang pasahero para isakay sila at dalhin sa kanilang patutunguhan. At dahil EDSA naman ito, siguradong dalawang hanggang tatlo lang ang destinasyon ng mga pasaherong ito.

Sa ganitong paraan, hindi nakakalat ang bus sa kalye at may logic at structure ang pag-ikot nila sa EDSA.

Hanggang noong 2002, kumpleto ang mga kamera sa EDSA ng Traffic Engineering Center o TEC sa may Sta. Mesa. Pero dahil laging nahuhuli ng mga kamerang ito ang mga traffic enforcer at pulis na nangingikil, isa-isang sinira ito.

Maaaring buhayin ito para magamit sa dispatching system ng bus sa EDSA. Kailangan na lang ang paradahan ng bus sa strategic na lugar sa Kalakhang Maynila tulad ng Kalookan, Fairview, Baclaran, at Alabang.

Sa ganitong paraan, hindi na basta sasabak ang mahigit 10,000 bus sa EDSA nang sabay sabay. Maaaring maging simula din ito ng bus scheduling system kung saan nakataning sa oras ng dating ng bus ang labas ng mga pasahero para sa mas maayos na public transport system.

At ang mga jeep? Dapat ba silang alisin nang tuluyan sa kalye?

Auto Trivia: Ang Honda Civic ay ginawa noong 1972 dahil sa pumutok na kauna-unahang oil crisis sa mundo. Ang pinakamahusay na fuel efficiency record ng Civic noong taon na iyon ay 64 kilometers per liter sa highway. Hindi nagtagal ay tinanghal na most fuel efficient car ang Honda Civic.
vvv
May comments or suggestions? Mag email lang sa irie.panganiban@gmail.com.

Read more...