BAKIT maraming batang pulubi, mga pamilyang nakatira sa kariton? Di ba bakas sa kanilang mukha si Jesus? Sadya na bang wala na si Jesus sa Pasko at pera’t kapangyarihan na ang pangunahin? Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Is 52:7-10; Slm 98:1. 2-3, 3-4, 5-6; Heb 1:1-6; Jn 1:1-18 ) sa Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ng Panginoon.
Pasko 1958. Malaki na ang arawang kita na P5 (papel). Wala pang 13th month, pero nairaraos ang Pasko dahil pinag-iipunan ito o inuutang. Meron din namang hamon, keso de bola’t kastanyas, tulad ng nakahain sa mesa ng insulares at peninsulares sa panahon ni Rizal. Hindi masama ang mangutang (ang problema, pag di nakabayad).
Mas masagana ang pagdiriwang ng Pasko ngayon dahil may credit card na. Wala nang dangkal-dangkal na perang inuutang (tulad ng 50 sentimos na papel) at wala na ring litanya ng pagsusumamo para makautang. Dutdut lang ay nakapamimili na at nagkakapera pa.
Ang simbahang Katolika, at maging ang mga exorcists ng Archdiocese of Manila Office of Exorcism, ay nakatatanggap ng kahilingang-dasal para maibsan at malutas ang mga suliraning pinansiyal (ang pagpapalayas ng demonyo ang misyon ng mga exorcists). Si Fr. Mar Ladra, ng Diocese of Malolos, ay may panalangin para makabayad ng utang.
Walang beato o santo na tatawagin para hingan ng tulong para makabayad ng utang (mali rin na dumulog sa Manaoag). Ang lalapitan at tatawagin ng may suliranin sa malaking utang ay ang Diyos Ama, ang makapangyarihan sa langit. Batid ng Ama kung paano nagkautang at ang dahilan ng pag-utang, kaya’t walang maililihim.
Nakamasid ang Ama sa kung gaanong hirap ang dinaranas ng nakalubog sa utang. Ang Diyos Ama na lamang ang kublihan ng mga nagigipit at pag-asa para makabayad ng utang. Alam ng Diyos Ama kung paano maiayos ang obligasyon at paano bayaran ang utang sa wastong paraan.
Kung nakasubaybay ang Diyos Ama sa may utang, higit na nakasubaybay din Siya sa nagpautang. Sa malalim na pananalig at panalangin, maaaring hipuin ng Diyos ama ang puso ng nagpautang. At sa paghipo sa kanyang puso, mauunawaan lamang ang damdamin at suliranin ng may utang, o nakalubog na sa mga bayarin.
Tanging ang Diyos Ama lamang ang makagagawa ng paraan upang malampasan ang pagsubok ng may utang, sapagkat walang bagay na mahirap sa Kanya. Sa madaling salita, mababayaran pa rin ang malaking utang dahil nasa Kanya ang banal na awa, ang pusong tumutulong at kumakalinga.
Pero, kapag nabayaran na ang utang sa awa ng Diyos Ama ay tapos na ba ang problema? Kapag tapos na ang problema ay puwede nang kalimutan ang Diyos? Kapag nabayaran na ba ang utang ay nakaahon na? Hindi nagtatapos ang lahat kapag nakabayad na ng utang at nakaahon na.
Kailangan pa ring manalangin sa Diyos Ama at hingin ang kanyang tulong. Bagaman ang pagbabayad ng utang ay maituturing na nakaahon na mula sa pagkakalunod sa kumunoy, hindi ito nangangahulugan na nakabangon na ang nakabayad ng utang. Kailangang bumangon mula sa lugmok. Hindi madali ang bumangon. Madali ang mangutang.
Si Lino Bocalan, ng Barrio Capipisa, Tanza, dating gobernador ng Cavite, ay bayung-bayong na pera ang dala tuwing bababa sa mga barrio. 30-40 bayong ang dala at ipinamumudmod ang pera sa mahihirap. Di na binibilang ni Lino ang pera. Dinadangkal na lamang ito. Di kilala ng mga Caviteno noon si Santa Claus. Ang kilala nila ay sina Lino, ng Tanza; at Nardong Putik, ng Imus.
Hindi nabawasan ang supply ng shabu sa North Caloocan. “Nagsara” lang ang bentahan sa Barangay 188, Balwarte (Barangay 176) at Dose. Lumipat lang ang bentahan sa Phase 8A at Phase 9, Bagong Silang.
PANALANGIN: Jesus, palakasin mo ang aking pagtitimpi at hangarin lamang ang aking kaya sa tulong ng iyong mahal na grasya. Kung kulang ay mamaluktot; huwag sosobra.
MULA sa bayan (0916-5401958): Safe po ba ang mga hamon de bola na ibinebenta sa bangketa ng R. Hidalgo? Mas mura ito kesa Excelente. At may etiketang “Made in China.” …9087