OBLIGADONG sundin ng mga pribadong sektor ang tamang patakaran sa sahod, gayundin ang pamantayan sa kaligtasan sa paggawa ngayong Pasko at Bagong Taon.
Ibigay ang tamang sahod ngayong Kapaskuhan.
Ang boluntaryong pagsunod sa batas-paggawa sa pagbibigay ng tamang sahod at iba pang patakaran sa kaligtasan at kalusugan ng manggagawa ngayong kapaskuhan ay makabubuti sa negosyo,
Sa ilalim ng Proclamation Nos. 1105, Series of 2015 at 117, Series of 2016 na nilagdaan noong Agosto 20, 2015 at Disyembre 13, regular holiday ang Disyembre 25 at 30, 2016, at 1 Enero 2017 at special non-working day ang Disyembre 24, 26, at 31, 2016 at Enero 2, 2017.
Ang mga sumusunod ang mga patakaran para sa regular holiday ng Disyembre 25 at 30, 2016 at Enero 1, 2017:
• Kung hindi nagtrabaho ang empleyado, tatanggap siya ng 100 porsyento ng kanyang arawang sahod para sa nasabing araw [(Arawang Sahod + Cost of Living Allowance) x 100 porsiyento];
• Kung siya ay nagtrabaho sa nasabing araw, dapat bayaran ang empleyado ng 200 porsyento ng kanyang arawang sahod para sa unang walong oras [(Arawang Sahod + Cost of Living Allowance) x 200 porsiyento];
• Para sa trabahong ginampanan na mahigit sa walong oras (overtime work), siya ay babayaran ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang orasang sahod para sa nasabing araw [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 200 porsiyento x 130 porsiyento x bilang ng oras na trinabaho];
• Kung nagtrabaho sa nasabing araw at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, siya ay tatanggap ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang arawang sahod na 200 porsiyento [(Arawang Sahod + Cost of Living Allowance) x 200 porsiyento] + [30 porsiyento (Arawang Sahod x 200 porsiyento)]; at
• Para sa trabahong ginampanan na mahigit sa walong oras (overtime work) sa nasabing araw at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, siya ay tatanggap ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang orasang kita (Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 200 porsyento x 130 porsyento x 130 porsyento x bilang ng oras na trinabaho).
Ang dapat sundin na patakaran para sa special non-working day sa Disyembre 24, 26, at 31, 2016 at Enero 2, 2017 ay:
· Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, ang “no work, no pay” na alituntunin ang dapat ipatupad, maliban na lamang kung may polisiya ang kompanya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa mga itinakdang special non-working holiday.
· Kung nagtrabaho sa nasabing araw, ang empleyado ay makakatanggap ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho. Ang ‘Arawang Sahod x 130% + COLA’ ang dapat sundin.
· Para sa trabaho ng higit sa walong oras (overtime work), dapat bayaran ang empleyado ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw. Ang magiging kuwenta ay: Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 130% x 130% x bilang ng oras na kanyang trinabaho.
· Para sa trabahong ginawa sa nasabing araw at ito rin ay araw ng pahinga ng empleyado, dapat silang bayaran ng karagdagang 50 porsyento ng kanilang arawang kita para sa unang walong oras ng kanilang trabaho, kaya, ang ‘Arawang Kita x 150% + COLA’ ang kuwentang dapat gamitin.
· Para sa trabahong ginawa ng higit sa walong oras (overtime work) sa nasabing araw at ito rin ay araw ng pahinga ng empleyado, sila ay dapat bayaran ng karagdagang 30 porsyento ng kanilang orasang kita sa nasabing araw, o ang kuwenta ay, ‘Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 150% x 130% x bilang ng oras na trinabaho’.
Labor Communications Office
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621-627
Fax No.: 5273446