De lima kinasuhan na sa korte

leila de lima

Naghain ng reklamo ang Department of Justice sa Quezon City court laban kay Sen. Leila de Lima kaugnay ng payo nito sa dating lover at driver na si Ronnie Dayan na huwag pumunta sa pagdinig ng Kamara de Representantes kaugnay ng bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa New Bilibid Prison.
Kasong paglabag sa Article 150 ng Revised Penal Code (Disobedience to Summons of National Assembly) ang isinampa kay de Lima kay Assistant State Prosecutor Vilma Lopez-Sarmiento.
Ang kasong inihain ng DOJ ay batay sa reklamong inihain ng liderato ng Kamara de Representantes.
Ayon sa reklamo, sinabihan ni de Lima ang anak ni Dayan na sabihin sa tatay nito na huwag pumunta sa pagdinig ng House committee on justice.
Humarap si Dayan sa pagdinig matapos na maaresto sa La Union, Pangasinan noong Nobyembre 22.
Sinabi ni Dayan na alam niyang tumanggap ng drug money si de Lima mula sa drug lord na si Kerwin Espinosa.
Kung mapapatunayang nagkasala maaaring makulong ng hanggang anim na buwan at pagmultahin si de Lima.
Hindi na rin pinasagot ng DOJ si de Lima sa reklamo ng Kamara dahil sa ilalim umano ng rules maaaring direktang ihain ang kaso sa korte kung ang parusa ay hindi lalagpas sa anim na buwang pagkakakulong.

Read more...