EXCITED na ang mga kababayan nating mag-uwi ng mga pasalubong at balikbayan box
Ngunit paulit-ulit na pinaaalalahanan sila ng ating pamahalaan na tanging pasalubong lamang at hindi pang-komersyal ang dapat nilang dalhin papasok ng bansa.
Lalo pa’t maluwag ngayon ang administrasyon na hindi na pabubuksan umano ang kanilang mga kahon at tinaasan pa ang tax exemption nito mula sa dating P10,000 at ngayon ay P150,000 na.
Tatlong beses sa isang taon papayagang makapagpasok ng naturang mga produkto ang sinumang tinaguriang qualified na mga Pinoy na ninirahan, nagtatrabaho o nag-aaral sa ibayong dagat.
Labis namang ipinagpapasalamat ito ng ating mga kababayan. Dati-rati, kaya napipilitang maglagay na lamang sa mga corrupt na opisyal o kawani ng pamahalaan ang ilan dahil nagpapalusot din sila at ayaw ding magbayad ng duties and taxes.
Ang iba naman, sinasadya noon ang tinatawag na misdeclaration sa kanilang mga kargamento.
Hindi nila tapatang idedeklara ang halaga ng mga iyon lalo pa’t mahal ang kanilang pagkakabili dahil malaki rin ang tax.
Sinasamantala naman ng ilan na makapagdala ng mga produktong pambenta tulad ng mga signature bags, sapatos, damit, at mga t-shirts.
Murang mabibili nila sa abroad, at mas mahal na naibebenta nga naman dito sa Pilipinas.
May mga wais pa tayong kabayan na bili nang bili kapag “sale” sa bansang kinaroroonan at ibebenta ang mga iyon sa presyong itinatakda naman dito sa Pilipinas.
Kung nabili nila ng 70-90 percent off, 100 percent naman ang presyo ng bentahan sa Pilipinas.
Tubong-lugaw nga naman.
Sabagay kung itutu-ring sana, maliit na bagay lamang iyon at kaunting halagang kikitain sa ilang pirasong mga produkto na naipasok nila sa bansa.
Ngunit hindi iyon ang punto.
Nilayon kasi na pampersonal lamang na mga gamit at pasalubong ang nakasaad sa probisyong iyon at hindi para pagkakitaan.
Dahil kung masasanay silang gumawa ng ganiyan, at gagayahin naman ng iba, ay dadami nang dadami ang gagawa niyon, hinimok lamang silang gumawa ng ilegal (kasi hindi iyon ang legal na gawain) magsinungaling, magpalusot at masasanay na nabubuhay sa di pagtatapat.
Sabi ng Bibliya, “Ang tapat sa kaunti, tapat din sa marami.” Hindi kasi maaaring puwede namang palusutin na ‘yun, maliit na bagay lang naman.
Ito ang pinagsisimulan ng kawalang-kata-patan sa mas malalaking mga bagay.
Kaya huwag sanang maging ganito ang kaisipan at maging gawi ng ating mga kababayan kapag may mga ganitong pribilehiyo.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. May audio/video live streaming: www.ustream tv