DAHAN-dahan na namang tumataas ang presyo ng gasolina at diesel.
Sa umpisa ay hindi ramdam ang unti-unting pagkonti ng gasolina o diesel na ikinakarga sa mga sasakyan.
Ngayon ay lumagpas na sa P30 kada litro ang halaga ng diesel sa maraming gasolinahan dito sa Metro Manila. Ang diesel ang ginagamit ng mga pampasaherong sasakyan.
Mas mahal naman ang gasolina na halos P40 kung hindi man P40 na pataas ang presyo bawat litro.
Kung magpapatuloy ang pagtaas na ito, hindi malayong mag-aklas ang mga driver ng pampublikong sasakyan at humirit ng pagtaas sa pamasahe.
Matagal na panahon na ring
Saan nga naman kukunin ng mga driver ang dagdag na gastos nila sa diesel kundi sa kanilang pasahero.
Ang mga pasahero naman tiyak na aangal. At susunod dyan hihingi na sila ng taas-sahod para mapunan ang dagdag nilang gastos.
Baka gamitin pa ng mga driver ang pangyayaring ito upang ma-justify ang ginagawa ng ilan sa kanila na cutting trip o pagpapababa sa mga pasahero dahil trapik para makaikot na sila.
Kawawa lang ang pasahero rito.
Sa bagay, yung mga UV Express na biyaheng Sta. Lucia-Rodriguez ay nagka-cutting trip na kahit noong hindi pa nagtataas ang presyo ng diesel.
Imbes na hanggang Rodriguez ang kanilang biyahe, hanggang Guitnang Bayan sa San Mateo lang sila.
Ginagawa nilang ikutan ang isang car wash station malapit sa Prima Blend Bakeshop. Dumadagdag pa sila sa sanhi ng trapik sa lugar.
Pag-ikot nila, hindi naman sila dire-diretsong bibiyahe. Maghihintay na sila ng mga pasahero sa gilid ng Gen. Luna street. Masikip na nga ang naturang kalsada, pinaparadahan pa nila sa paghihintay ng mga pasahero kaya lalong bumabagal ang daloy ng trapiko.
Wala namang ginagawa ang mga pinapasuweldo ng munisipyo para magmando ng trapiko laban sa kanila.
Sa pagtaas ng gasolina at diesel ay hindi lang naman ang pamasahe ang apektado.
Magtataas din ng singil ang mga nagbebenta ng mga produkto dahil mas malaki na ang kanilang gastos sa pagdadala ng kanilang paninda.
Bukod pa rito, nagbabadya rin ang pagtaas ng kuryente at tubig— hindi dahil sa mataas na ang presyo ng produktong petrolyo kundi dahil sa bumababang halaga ng piso kontra sa dolyar.
Nakabase kasi sa dollar rate ang ilang bayarin ng mga gumagawa ng kuryente at nagsusuplay ng tubig kaya pagmahal ang dollar mas malaki ang sisingilin nila sa atin.
Ang sabi nila, makikinabang ang pamilya ng overseas Filipino workers kapag mataas ang halaga ng dolyar.
Naisip kaya nila na mas mahal din ang babayaran ng kanilang pamilya na naririto? Kaya hindi rin talaga mapapakinabangan ng kanilang pamilya ang itinaas ng halaga ng dolyar.
Sana ay hindi magtuloy sa susunod na taon ang mga pangyayaring ito sa pagtatapos ng 2016.
Maging maganda sana ang 2017 para sa ating mga Pinoy.