PH aarmasan ng China

South-China-Sea-Watch_Inte (1)
Nag-alok ang China ng US $500-milyon (P24.9 bilyon) loan at US $14.4-milyon (P720 milyon) halaga ng ibibigay na armas para tulungan ang Pilipinas sa pagsugpo sa terorismo at iligal na droga, ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Dumating ang mga alok isang buwan matapos pigilan ng US ang planong pagbebenta ng assault rifles sa Philippine National Police dahil sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao.
Ipinaalam ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua ang mga alok nang makipagpulong kina Pangulong Rodrigo Duterte at Lorenzana sa Malacanang Lunes ng gabi, sabi ng defense chief sa mga reporter kahapon.
“They want to help us fight terrorism and drugs, tutulungan nila si president. Sabi niya (Zhao) kay presidente kagabi, I know your problems in terrorism, I know your problems in drugs so we would like to help you,” ani Lorenzana.
“Tinatanong niya (Zhao) sa amin kung ano yung kailangan namin na puwede nilang ibigay… Mayroon silang listahan na nasa amin na,” aniya, patukoy sa alok na armas.
Balak ng mga technical personnel na pumili sa listahan at ma-inspeksyon ang mga armas sa China sa unang bahagi ng 2017, bago maiuwi ang mga ito sa huling bahagi ng taon.
Sa ngayon ay plano ng gobyerno na kumuha ng maliliit na armas, fast boats, at night vision goggles mula sa China, ani Lorenzana.
Bukod sa armas, nag-alok din ang China ng US $500-milyon long-term “soft” loan o pautang, aniya.
“Kung kailangan pa natin ng equipment, puwede tayong umutang sa kanila, soft loan,” anang defense chief.
Balak din ng China na magtayo ng isa pang drug rehabilitation center sa Mindanao, ngunit di pa naisasapinal ang mga detalye nito, ayon kay Lorenzana. (John Roson)

 

Read more...