Perang may pirma ni Duterte inilabas na
Sinimulan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas kahapon ang pagpapalabas ng mga perang papel na may pirma ni Pangulong Duterte.
Umaabot sa 27 milyong piraso ng papel na pera na may halagang P8.75 bilyon ang ilalabas ng BSP upang palitan ang mga pera sa merkado na mayroong pirma ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
Ayon kay BSP Deputy Governor Diwa Guinigundo ang mga bagong pera ay ipakakalat ng 19 na sangay ng BSP sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang BSP ay nag-imprenta ng 5 milyong piraso ng P20, P50, P100, P500 at P1,000.
Dalawang milyong piraso lamang ng P200 ang inimprenta dahil konti lamang ang demand dito. Sa ilalim ng New Central Bank Act (RA 7653) ang kasalukuyang pangulo ang dapat na nakapirma sa perang ginagamit ng bansa. Ipinaalala rin ng BSP na hindi na maaaring gamitin sa 2017 ang mga pera na inimprenta noong 1985.
Mas konti ang security feature nito. Noong Oktobre sinabi ng BSP na mayroon pang P24.7 bilyong halaga ng lumang pera ang nasa sirkulasyon pa.
Nagsasagawa rin ang pag-aaral ang BSP upang madagdagan ang security feature ng barya upang hindi ito mapeke.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.