GM Wang kampeon sa PSC International Chess Challenge

PINALAGAN ni Grandmaster Wang Hao ng China ang pagkakataong makapang-agaw ng titulo si GM Mark Paragua sa matinding 42-move na panalo sa Sicilian upang kumpletuhin ang pagwawalis sa kambal na torneo na panghuli ang Philippine Sports Commission-Puregold International Chess Challenge Linggo sa Subic Bay Peninsular Hotel.

Ang top seed na si Wang ang tinanghal na solo champion sa itinala nitong pitong puntos, eksaktong limang araw matapos na magtala rin ng pitong puntos upang magwagi sa una sa magkasunod na dalawang yugto na torneo na suportado ng PSC.

Kalahating puntos napag-iwanan sa ikalawang puwesto ang fourth seed na si GM Pevan Pantsulaia ng Georgia, na naungusan si sixth seed GM Vladislav Kovalev ng Belarus sa 64-move na panalo sa Reti Opening.

Nahulog si Kovalev sa pakikipaghati sa No. 3 kasama si second seed GM Anton Demchenko ng Russia at seventh seed GM Merab Gagunashvili, na nagkasya sa mabilis na 13-move draw sa Ruy Lopez, para sa anim na puntos.

Tumapos naman si Paragua na nasa apat katao na ikaanim na puwesto na may 5.5 puntos kasalo sina GM Kirill Stupak ng Belarus, Mikheil Mchedlishvili ng Georgia at Boris Savchenko ng Russia.

Tinalo ni Stupak si IM Abhimanyu Puranik ng India sa 40 moves ng Caro-Kann habang si Mchedlishvili at Savchenko ay tinapos ang mahabang 71-move draw sa Queen’s Indian Defense.

Naghati naman sa puntos sina IM Jan Emmanuel Garcia at FIDE Master Roel Abelgas sa 14 moves ng Slav upang sumalo sa ika-10 puwesto kasama sina GM Tigran Kotanjian ng Armenia, na tinalo si Harshit Raja ng India sa 48 moves ng Queen’s Indian para matipon ang limang puntos kada isa.

Read more...